February 10, 2026

Home FEATURES Human-Interest

Ospital, nabulabog! Pahabang bomba noong World War I, nakatusok sa wetpaks ng lalaki

Ospital, nabulabog! Pahabang bomba noong World War I, nakatusok sa wetpaks ng lalaki
Photo courtesy: Freepik (for representation only)

Literal na may ilalabas siyang pasabog!

Nilamon ng tensiyon at kaba ang isang pampublikong ospital sa Toulouse City, France na naging dahilan para ilikas ang mga staff at pasyenteng narito, dahil sa kakaibang nangyari sa isang 24-anyos na lalaki.

Iniulat ng international media outlet na New York Post ang nabanggit na kakaibang balita, noong Pebrero 2, 2026, na talaga namang lumikha ng eskandalo sa mga tao.

Isinugod sa emergency unit ng isang ospital sa Toulouse ang nabanggit na lalaking pasyente matapos makaranas ng matinding pananakit at matinding hindi komportableng pakiramdam.

Human-Interest

ALAMIN: May epekto ba ang kulay ng payong bilang proteksyon sa araw?

Nag-ugat ang discomfort ng lalaking pasyente sa umano'y naipasok na malaking bagay sa kaniyang puwitan.

Hindi lang ito malaking bagay, kundi malaking-malaking bagay, at posibleng sumabog pa!

Habang isinasagawa umano ang agarang operasyon, laking gulat ng mga surgeon nang matuklasan ang sanhi ng kaniyang kondisyon: isang walong pulgadang artillery bomb shell mula pa noong 1918, panahon ng Unang Digmaang Pandaigdig o World War I, ang mismong nakabaon o nakapasok sa puwet ng nabanggit na lalaki,

Dahil sa posibilidad na ito ay sumabog, agad na inalerto ng pamunuan ng ospital ang bomb squad at bumbero.

Bilang pag-iingat, pansamantalang inilikas ang mga pasyente sa ospital at nagtatag ng security perimeter habang sinisiyasat ng mga awtoridad ang sitwasyon.

Sa kabutihang-palad, napag-alamang hindi na aktibo o mapanganib ang nasabing bomba sa kabila ng pagiging matulis at mahigit isang pulgada ang lapad nito.

Matapos alisin ang bomba, kinuha naman ito ng mga eksperto, habang nanatili naman ang pasyente sa ospital upang makarekober mula sa operasyon.

Hindi pa malinaw kung paano napunta ang nabanggit na bagay sa loob ng puwet ng lalaki, ngunit pinaniniwalaang maaaring resulta ito ng isang party stunt o eksperimentong nauwi sa kapahamakan.

Ayon pa sa lokal na pahayagang "La Dépêche," hindi na raw bago sa mga medical staff sa Toulouse ang mga ganitong uri ng kaso, dahil “sanay na silang gumamot ng mga pasyenteng nasusugatan dahil sa mga larong seksuwal.”

Pinag-aaralan naman daw ng piskalya ang posibilidad na magsampa ng kaso laban sa pasyente dahil sa ilegal na paghawak ng tinaguriang “Category A munitions”—mga kagamitang pandigma na mahigpit na ipinagbabawal sa sibilyan.

Batay pa sa mga ulat, ang nasabing artillery shell ay kabilang sa mga ginamit ng Imperial German Army noong World War I, kung kailan daan-daang libong bala ang pinaputok laban sa mga hukbo ng France at Britain sa Western Front mula 1914 hanggang 1918.

Hanggang ngayon, patuloy pa ring natatagpuan ang mga hindi sumabog na bala sa tinatawag na "Iron Harvest," na taunang koleksiyon ng mga lumang pampasabog na nahuhukay sa mga sakahan, construction site, at iba pang lugar na naging venue ng sigalot.

Bagama’t tila kakaiba at halos hindi kapani-paniwala ang lugar kung saan natagpuan ang bomba, hindi raw ito ang unang pagkakataong nangyari ang ganitong insidente sa France.

Noong 2022, nagkaroon din ng ganitong bomb scare sa isang ospital sa kaparehong lugar, dahil naman sa isang 88-anyos na lalaking may artillery shell noon pang WWI, na nakasuksok din sa kaniyang puwit.