February 10, 2026

Home FEATURES

KILALANIN: Ang pumanaw na si dating House Speaker Jose de Venecia Jr.

KILALANIN: Ang pumanaw na si dating House Speaker Jose de Venecia Jr.
Photo courtesy: MB

Sumakabilang-buhay na si dating House Speaker Jose de Venecia Jr. nitong Martes, Pebrero 10, sa edad na 89 taong gulang.

Kinumpirma ito ng asawa niyang si Gina de Venecia sa media. 

SINO NGA BA SI JOSE DE VENECIA?

Si De Venecia, na kilala rin sa bilang “JDV”  at “Manong Joe,” ay ipinanganak sa Dagupan City, Pangasinan noong Disyembre 26, 1936.

Human-Interest

Ospital, nabulabog! Pahabang bomba noong World War I, nakatusok sa wetpaks ng lalaki

Siya ay anak nina Judge Jose Ravago de Venecia at Casimira Villamil Claveria.

Si JDV ay nakapagtapos ng high school sa De La Salle College Manila at kolehiyo naman sa kursong Journalism, sa Ateneo De Manila. 

Pinakasalan ni JDV si Pangasinan Rep. Gina noong 1987, at sila ay nagkaroon ng anim na anak na sina: Christopher, Joey, Leslie Norton, Kristina Casimira Perez, Vivian Garcia, at Alexandra Haner.

Bilang politiko, si JDV ay unang naluklok sa kongreso noong 1969, ngunit matapos lamang ang dalawang taon sa posisyon, napasawalang-bisa ni dating pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang kongreso sa ilalim ng deklarasyon ng Martial Law. 

Taong 1987, nang maibalik ang demokrasya sa bansa, muling tumakbo sa pagka-kongresista si De Venecia, bilang Pangasinan 4th District Representative, at kalauna’y naging Acting Chairman ng House Foreign Relations Committee. 

Limang beses din naluklok bilang House Speaker ng Kamara si De Venecia sa mga taong 1992-1995; 1995-1998; 2001-2004; 2004-2007 at 2007-2008. 

Si JDV rin ang naging co-founder ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), kasama sina dating pangulong Fidel Ramos at dating foreign secretary Raul Manglapus. 

Nagsilbi rin si De Venecia bilang arkitekto ng Rainbow Coalition ng kamara, na isang alyansang nabuo mula 1992 hanggang 1998. 

Bilang peacemaker, si JDV ay naging instrumento sa peace agreement ng Moro National Liberation Front (MNLF) at Communist New People’s Army (NPA) sa rehiyon ng Mindanao.

Bukod pa sa mga ito, si JDV ay namayagpag din bilang mamamahayag, diplomat, at global business leader. 

Sean Antonio/BALITA