Tag-ulan man o tag-init, hindi nawawala ng payong sa bag ng marami bilang panangga sa hampas ng mga panahon.
Ngunit sa dami ng pagpipilian, alam n’yo ba na hindi lang pang-aesthetic ang kulay ng payong?
Ayon sa mga eksperto, sa pagbili ng payong, mahalagang tandaan na bukod sa panangga, may kakayahan din ito na maging proteksyon laban sa mapaminsalang Ultraviolet (UV) rays ng araw, na nagdudulot ng skin cancer.
Bukod pa rito, depende sa kulay ng payong, kaya rin nitong palamigin init na nararamdaman sa paligid.
Base sa mga pag-aaral, ang dark colors tulad ng itim, navy, at dark green ay nag-aabsorb ng liwanag at init mula sa araw,.
Kaya ito ang itinuturing na “best choice” na mga kulay, partikular ang itim, para magsilbing mainam na proteksyon laban sa UV rays.
Sa paggamit din ng dark colored na mga payong, mahalagang tandaan na dahil nag-aabsorb ito ng liwanag at init, posible rin na maging mainit ang pakiramdam ng gagamit nito sa kasagsagan ng init ng klima.
Habang ang light colors tulad ng puti, beige, light gray, at pastel shades ay mas nag-rereflect ng liwanag mula sa araw at hindi masyadong nag-aabsorb ng init.
Kaya nakatutulong naman ito para mas malamig na temperatura ang maramdaman ng gagamit nito.
Tandaan din na bukod sa kulay, mahalagang ikonsidera ang materyales ng payong na gagamitin bilang magsilbing panangga sa matitinding klima, tulad ng nylon o polyester, na kilalang mga materyales dahil sa kanilang tibay at pagiging water resistant, at may UV coating.
Kaya sa pagpapalit o pagpili ng payong na gagamitin, iwasan na pumili dahil lang sa design o style, bagkus, ikonsidera din ang kalidad nito at kakayahan na magprotekta laban sa panahon at klima, mapa-tag ulan man o tag-init.
Sean Antonio/BALITA