Nagbigay ng pahayag ang Malacañang hinggil sa sulat-kamay na liham ng Pinoy trafficking victim na si Mary Jane Veloso.
Kaugnay ito sa nasabing liham niya na naglalaman ng kaniyang apela para sa kalayaan.
“Nawa’y ipagkaloob na po sa akin ang pagkakataon na maalagaan ko ang aking mga magulang habang buhay pa sila…Lalong-lalo na ang aking mga anak na hindi ko man lang nasubaybayan ang kanilang paglaki…,” saad ni Veloso.
MAKI-BALITA: 'Nawa'y ipagkaloob na po sa akin ang pagkakataon!' Mary Jane Veloso, nananawagan para sa kalayaan niya-Balita
Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, Pebrero 9, sinabi ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na mas mainam na ito ay personal na maisumite kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Mas maganda po sana kung itong open letter niya…mas maganda po kung personal or maipaabot ito mismo sa Pangulo para po magkaroon po ng tamang pagdedesisyon patungkol po dito,” saad ni Castro.
Samantala, ipinapanawagan naman ng Overseas Filipino Worker (OFW) group na “Migrante International” ang agarang pagpapalaya kay Veloso na anila, nasa kamay na ng pamahalaan.
“Sa kasalukuyan, nananatili pa ding nakapiit sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong si Mary Jane. Karagdagan ito sa labing-limang taong pagdurusa ng pagkakakulong sa Indonesia, sa salang hindi niya ginawa. Nasa kamay na ngayon ng gobyerno ng Pilipinas at Pangulong Bongbong Marcos Jr. na agarang palayain si Mary Jane Veloso. Pilit mang pinagkakaitan ng kalayaan si Mary Jane, malaya ang kanyang diwa na balang araw ay kapiling na niya ang mga mahal sa buhay,” anila.
Vincent Gutierrez/BALITA