Paano ba nasusukat ang pagmamahalan ng dalawang magkasintahan? Sa pagtulong sa isa’t isa? Sa lambingan? O sa oras na inilalaan para sa kanila?
Lingid kasi sa kaalaman ng iilan, may mga magjowang iba ang paraan kung paano iparamdam ang kanilang pagtangi sa kasintahan nila.
Iyong iba, sobrang exclusive, na malinaw ang naising ipokus lamang ang relasyon sa kanilang dalawa. Mayroon namang sobrang lowkey, na hindi mo mahahalatang magjowa pala sila.
Mayroon ding clingy, na halos maglingkisan na lang silang dalawa sa lahat ng oras; pero mayroon ding “open,” kung saan literal na bukas ang magjowa sa iba’t ibang mga posibilidad hinggil sa kanilang relasyon.
Ano nga ba ang konsepto ng open relationship?
Ayon sa South Denver Therapy, ito ay ang isang uri ng relasyon kung saan “consented” o pinapayagan ang magkarelasyon na magkaroon ng sekswal o romantikong koneksyon sa ibang tao.
“A mutually agreed form of consensual non-monogamy where partners allow romantic/sexual connections outside the primary partnership, with honesty and transparency,” anang South Denver Therapy.
Sa konseptong ito, mahalaga ang “consent” sapagkat ito ang tila pundasyon ng ganitong uri ng relasyon.
Ngunit babala ng eksperto, ang “open relationship” ay hindi para sa lahat, dahil kinakailangan dito ang “mutual consent,” labis na tiwala, at napakalinaw na komunikasyon.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay alyas “Bob,” tahasan niyang ibinahagi na sila ng kaniyang karelasyon ay nasa estado ng “open relationship.”
Pag-amin pa niya, tatlong taon na silang magkarelasyon ng kaniyang jowa, ngunit isang taon pa lamang sila sa ganoong uri ng relasyon.
“Biglaan lang na open as topic tapos nag-agree kaming dalawa na maging open relationship kasi sa sobrang tagal na namin naisip namin na maghanap ng mga bagay na pwede naming gawin na okay sa aming dalawa,” saad ni Bob.
Aniya, nadadaan naman sa maayos na pag-uusap ang konsepto ng nasabing uri ng relasyon, lalo na kung pumapasok na ang isyu ng selos at inggit.
“Nasa maayos pag-uusap naman iyon saka alam namin na past time lang namin yun bawal na ma-fall sa mga nakikilala at nakakasalamuha namin ayun yung pangako namin sa isa’t isa kaya pumayag kami na maging open relationship kami,” aniya.
Kung bibigyan man daw ng tsansa, inilantad niya na pipiliin niya pa ring ipasok ang konseptong ito sa magiging karelasyon niya.
“Syempre oo naman. Masaya exciting at higit sa lahat mas nasusukat dito yung love ko sa partner ko kasi kung wala ito baka wala narin kami,” ani Bob.
Ibinahagi rin niya ang ilan sa mga tingin niya ay “advantages” at “disadvantages” ng “open relationship.”
“Advantage syempre marami kang makikilala, lalawak yung circle of friends mo saka mag-eenjoy ka. Disadvantage siguro minsan hindi maiiwasan magselos pero ayun nga kailangan mo lang isipin na napagkasunduan n’yo iyon at intindihin na open relationship talaga ang pinili namin,” pagbabahagi niya.
Dahil sa nalalapit na selebrasyon ng Valentine’s Day, napagdesisyunan ni Bob na angkinin muna ang kaniyang kasintahan upang gunitain ang nasabing okasyon.
“Ang plano namin sa February 14 ay lumabas at mag-date kasi para sa amin ito yung special day para i-celebrate yung relationship namin sa araw na ito iche-cherish namin yung memories at pinagsamahan namin,” aniya.
Gayumpaman, iba man ito sa nakagisnang uri ng relasyon, nasa kanila na ang pasya kung ito man ay ipagpapatuloy nila—lalo kung pinabubuti naman nito ang estado ng kanilang relasyon.
Vincent Gutierrez/BALITA