Kung susumahin, halos lahat ng Pilipino ay pamilyar sa salitang gayuma. Lalo na sa mga taong nag-aral o may alam sa “lihim na karunungan.”
Ayon sa pagpapakahulugan ng disyonaryo.ph, ang gayuma ay “kapangyarihang umakit o magpaibig sa isang tao at anumang bagay na mapang-akit.”
Kadalasang nailalapit ang gayuma sa mga usapin ng panghahalina ng mga taong may natitipuhan. Base sa mga kuwento at kadalasang mga pelikulang napanood ng marami, isa sa mga posibleng solusyon ang gayuma kapag nanaisin ng isang indibidwal na mapaibig ang isang taong matagal na nilang minimithi.
Ngunit sa reyalidad at bilang nalalapit na ang pagdiriwang para sa Araw ng mga Puso o Valentine’s Day, gaano nga ba katotoo ang gayuma para sa mahigit isang dekada nang antingero sa Quiapo?
Ayon sa naging eksklusibong panayam ng Balita kay Julio Miguel o mas kilala sa alyas na “Agimat” sa Quiapo, malugod niyang ikinuwento ang mahigit 12 taon na niyang pagiging antingero at pagbebenta ng mga agimat, kasama na rin ng gayuma.
Pagsisimula niya, “‘Yong iba diyan ay ginagamit sa asawa, ‘yong iba ay ginagamit sa girlfriend. Hindi lang basta sa pagmamahal ang gayuma. Puwede rin siyang pagpapaamo sa trabaho, sa negosyo, o puwede rin siyang panghalina sa tindahan.”
Ayon kay Agimat, tatalab lang daw ang gayuma kung malakas ang paniniwala ng isang tao rito at hindi lang daw ito basta isang langis.
“Ang gayuma, hindi lamang ‘yan basta langis. May mga kaakibat ‘yan na orasyon, may kaakibat na mga halong anting-ating o agimat. Ang gayuma kasi, hindi rin siya tatalab kung hindi ka naniniwala. Kung malakas lang din ang paniniwala mo sa gayuma, doon siya tatalab,” paliwanag niya.
Dagdag pa niya, “Hindi naman siya basta langis, meron din namang hinahalo sa pagkain. Meron din naman ‘yong palipad-hangin o ‘yong nanggagaling sa salita.”
IBA’T IBANG URI NG MGA GAYUMA
1. TAGUPAYPAY
Ayon kay Agimat, ang tagupaypay ay isang uri ng gayuma na sumasalo ng mga suwerte, partikular sa negosyo o kung may tindahan ang isang indibidwal.
“‘Yan ay sumasalo ng mga suwerte kung lalagyan mo ng langis at ilalagay mo sa tindahan,” aniya.
2. SINUKUAN
Bukod sa tagupaypay ay may tinatawag din daw na “sinukuan” kung saan isang uri ito ng gayuma na pampasuko o pampaamo sa mga taong may galit o inggit sa kanila.
“Meron naman tayong tinatawag dito na sinukuan o ‘yong kahoy na may krus ni Kristo. Kaya ito tinawag na sinukuan ay [dahil] pampasuko ito ng tao. Kung magpapaamo rin sa tao—sa mga may galit o inggit,” saad niya.
3. SANTO NIÑONG HUBAD
May tinatawag ding “Santo Niñong hubad.” Isang uri ito ng gayumang sinasabing pampasuwerte sa sugal, kung saan, hinihimas-himas daw ng mga tao ang ari ng Santo Niñong hubad upang suwertehin sila sa isang bagay.
“Ang Santo Niñong hubad, sinasabi nila, pampaswerte sa sugal. Ang ginagawa ng iba, since kapag nasa kagipitan na, hinihimas lang nila ‘yong ari no’ng Santo Niñong nang maraming beses. Sabi nga nila, mas mahaba ‘yong ari ng Santo Niñong hubad, mas malakas ang gayuma,” ‘ika niya.
4. LANGIS O LANA (SA BISAYA)
Kasunod ay ang gayumang langis o kilala rin bilang “lana” sa Bisaya. Isang gayumang may halong herbal at orasyon. Madalas itong isama sa pabango upang makapanghalina raw ang isang indibidwal, sa negosyo, at taong may galit sa kanila.
“Ang gayuma pa natin dito ay ‘yong mga langis na may mga halong herbal at may halo ng orasyon. Usually, ang ginagamit diyan, ‘yong iba ay hinahalo sa pabango at kapag kanilang inispray sa katawan ay talagang makakahalina sila ng mga kababaihan o sa mga negosyo, or sa mga taong may galit din sa atin,” paliwanag ni Agimat.
Pagdidiin ni Agimat, may mga mabuti at masamang epekto raw ang paggamit ng isang indibidwal ng gayuma.
Paglilinaw niya, may mga taong bumabalik daw sa kanila upang magbigay ng feedback na gumana talaga ang gayuma at may mga tao ng bumabalik upang ipatanggal ang epekto ng gayuma dahil tila sumobra ang paggamit ng mga ito.
“May mga ganoon [bumabalik]. May mga gumana, may mga kasintahan nila ay naging sila, o ginamit nila sa taong gusto nila. Nag-aano sila dito ng feedback sa amin. Sinabi nila na gumana ‘yong gayuma sa ano ko, ganiyan-ganiyan. Mga nabalik,” pagbabahagi niya.
Dagdag pa niya, “Maraming nagiging ganiyang kaso. Minsan, ginamit nila ‘yong gayuma sa natitipuhan nilang babae tapos napasobra ‘yong epekto, ngayon [ay] namomroblema po sila. Hinahabol-habol na siya ng babae. Halimbawa may asawa, gagamitin ‘yong gayuma sa ibang babae kasi maganda. May mga kumukonsulta rin sa amin na gusto nilang ipatanggal ‘yong gayuma kasi hindi rin naman nila alam na may asawa pala ‘yong babae.”
MGA DAPAT AT HINDI DAPAT GAWIN SA PAGGAMIT NG GAYUMA
Ayon kay Agimat, may ilan daw na mga bagay na dapat iwasan ang isang tao upang hindi mawalan ng bisa ang isang gayuma.
Pagkukuwento niya, bawal daw dalhin ng isang tao ang gayuma sa loob ng Comfort Room (CR), hindi rin daw puwedeng suot o dala ng mga ito ang gayuma kung sila ay makikipagniig, bawal dalhin sa sementeryo, at bawal ipasok sa club.
“Ang proseso ng gayuma, marami rin—marami ng rules and regulations. Hindi mo puwedeng dalhin sa CR ‘yong gayuma kung ikaw ay dudumi o iihi.”
“Kung ikaw ay makikipagniig, hindi basta-basta puwedeng gamitin o suotin sa katawan. Halimbawa, nasa bulsa ko kapag makikipagniig, hindi ko siya puwedeng gamitin.”
“Ang gayuma, hindi rin siya puwedeng dalhin sa sementeryo, sa mga burol, lamay, patay.”
“Hindi rin puwedeng ipasok sa mga night club, ‘yong mga happy happenings,” pag-iisa-isa niya.
DAMI NG MGA BUMILI AT HINDI PINAGBEBENTAHAN
Pagpapatuloy ni Agimat, malimit daw na umaabot daw sa 10 hanggang 12 ang bilang ng mga taong bumibili sa kanila ng gayuma sa loob ng isang araw.
“Sa isang araw, pinakamaraming bumibili ng gayuma, mga 12 sa amin. Casual lang [kung bumili], hindi patago. Kasi hindi rin naman illegal ang gayuma, e,” estima niya.
Ani Agimat, hindi raw sila basta-basta nagbebenta ng gayuma o maging ng mga agimat sa mga taong tingin nila ay hindi naniniwala o may masamang interes sa pagbili ng mga nasabing produkto.
“Sa mga hindi naniniwala, minsan bibili ‘yan. Halimbawa [sasabihin nila], ano ito gayuma? Para saan? Panghalina. Kukunin ko ito, totoo ba? Sa mga klase ng tao na hindi naniniwala ng gayuma, doon pa lang [ay] alam na namin,” paliwanag niya.
“Kapag may masamang balak, bilang ako na antingero, nag-a-aura cleansing din ako [at] nararamdaman po namin. Kami dito na lahat ng nagbebenta ng agimat, anting-anting, o pangontra, hindi kami basta-basta nagbebenta sa tao kung walang paniniwala,” paglilinaw pa ni Agimat.
BALIK O KARMA
Sa usapin ng gayuma, may tinatawag daw na “sumbalik,” isang termino sa mundo ng mga antingero na katumbas o malapit sa salitang karma.
Ayon kay Agimat, “Ang gayuma, kapag nagamit mo sa masama [ay] may balik. ‘Yon ang tinatawag natin na sumbalik. Halos may pagkakapareho lang sa karma ngunit ang gayuma ay isa sa mga ginagamit ng mga antingero o ng mga simpleng tao para sa kanilang interes.”
Samantala, may payo naman si Agimat para sa mga indibidwal na nagbabalak bumili ng gayuma para sa nalalapit na Araw ng mga Puso.
“Ang payo namin sa mga bibili at kukuha ng gayuma sa amin, ang hinihiling lang po namin, pag-aralan n’yo pong mabuti sapagkat hindi biro ang gumamit ng gayuma sa mga taong hindi naman talaga karapat-dapat,” pagdidiin niya.
Patuloy pa niya, “Kung gagamitin mo lang ito sa iyong negosyo, o gustong mapaamo ang mga boss, puwede naman. Huwag nga lang sosobra, lahat ng sobra ay bawal.”
“Sa ngayon, para sa akin bilang antingero, mas gugustuhin ko pa rin magmahal ng isang tao nang hindi gagamit ng gayuma. ‘Yon ang pinakamahalaga,” pagtatapos ni Agimat.
Ang tanong: Gagamit o bibili ka ba?
Mc Vincent Mirabuna/Balita