Isa ang gayuma o mga agimat sa hindi maitatangging parte na ng kulturang Pilipino mula pa man noon hanggang sa panahong kasalukuyan.
Maging sa patuloy na pag-usbong ng mga makabagong teknolohiya kasabay ng tuloy-tuloy na ebolusyon ng mundo ay nariyan pa rin at hindi mawawala ang mga taong naniniwala o nagbebenta ng gayuma, partikular sa siyudad ng Quiapo.
Ngunit maaari nga bang totoong mawalan ng bisa ang isang gayuma kung aksidente itong madala ng isang indibidwal sa loob ng comfort room at sa gitna ng pakikipagniig sa kama?
Ayon sa naging pagkakataon ng Balita na makapanayam si Julio Miguel o mas kilala sa alyas na “Agimat,” isang antingero na nagtitinda ng mga agimat at maging ng gayuma sa Quiapo sa loob ng 12 taon, inisa-isa niya ang mga bagay na dapat o hindi dapat gawin ng isang indibidwal para hindi mawalan ng bisa ang isang gayuma.
KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: Gaano katotoo ang gayuma sa 1 dekada nang antingero sa Quiapo?
Ani Agimat, mahigpit daw na ipinagbabawal na dalhin ng isang tao ang gayuma sa loob ng comfort room (CR) kapag iihi o dudumi ang isang tao.
“Ang proseso ng gayuma, marami rin—marami ng rules and regulations. Hindi mo puwedeng dalhin sa CR ‘yong gayuma kung ikaw ay dudumi o iihi,” pagsisimula niya.
Pagpapatuloy ni Agimat, hindi rin daw puwedeng suot o dala ng mga ito ang gayuma kung sila ay makikipagniig sa kama, halimbawa kung iyon ay nakasilid sa bulsa.
“Kung ikaw ay makikipagniig, hindi basta-basta puwedeng gamitin o suotin sa katawan. Halimbawa, nasa bulsa ko kapag makikipagniig, hindi ko siya puwedeng gamitin,” aniya.
Dagdag pa ng antingero, bawal din daw na madala ang isang gayuma sa sementeryo, burol, lamay, o kung saan mayroong isang patay na indibidwal.
“Ang gayuma, hindi rin siya puwedeng dalhin sa sementeryo, sa mga burol, lamay, patay,” diin niya.
“Hindi rin puwedeng ipasok sa mga night club, ‘yong mga happy happenings,” pahabol pa niya.
Paglilinaw ni Agimat sa Balita, ilan lamang daw ang mga nabanggit na hindi dapat gawin ng isang indibidwal upang hindi mawalan ng bisa ang mga hawak nilang gayuma base na rin sa lagi’t laging paalala ng mga katulad niyang antingero sa mga tao.
Pagdidiin niya, may rin daw tinatawag na “sumbalik” sa mundo ng mga antingero na katumbas o malapit sa salitang karma.
Paglilinaw ni Agimat, bagama’t may pagkakapareho ang terminong “sumbalik” sa salitang “karma,” malaki raw ang kaibahan nito base sa epekto sa gumagayumang tao depende sa personal nitong interes sa paggamit niya ng nasabing produkto.
“Ang gayuma, kapag nagamit mo sa masama [ay] may balik. ‘Yon ang tinatawag natin na sumbalik. Halos may pagkakapareho lang sa karma ngunit ang gayuma ay isa sa mga ginagamit ng mga antingero o ng mga simpleng tao para sa kanilang interes,” paliwanag niya.
Samantala, may payo naman si Agimat para sa mga indibidwal na nagbabalak bumili ng gayuma.
“Ang payo namin sa mga bibili at kukuha ng gayuma sa amin, ang hinihiling lang po namin, pag-aralan n’yo pong mabuti sapagkat hindi biro ang gumamit ng gayuma sa mga taong hindi naman talaga karapat-dapat,” saad niya.
“Kung gagamitin mo lang ito sa iyong negosyo, o gustong mapaamo ang mga boss, puwede naman. Huwag nga lang sosobra, lahat ng sobra ay bawal,” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: #BalitaExclusives: 'Hindi mo gugustuhing amuyin!' Labahing damit, ginawang bouquet!
MAKI-BALITA: ALAMIN: Iba't ibang pangontra sa malas, negative energy sa pagsalubong ng Chinese New Year
Mc Vincent Mirabuna/Balita