Kailan ka huling nag-toothbrush?
Bukod sa skincare, kinakailangan din alagaan ang ilan pang parte ng katawan tulad ng mga ngipin, dila, at gilagid, dahil isa ito sa mga unang napapansin o maaamoy ng mga taong nakakaharap, sa eskwelahan man o sa trabaho.
Ayon sa World Health Organization (WHO), kadalasan, ang mga panganib na dala ng oral diseases sa kalusugan ay naiiwasan sa pamamagitan ng maayos na dental health care routine.
Isa sa oral diseases na kinahaharap ng marami ay ang “halitosis” o bad breath na kadalasang dulot ng mga sumusunod, base sa pag-aaral ng Johns Hopkins Medicine:
- Mga pagkain na may malakas na amoy o kaya’y ina-absorb sa bloodstream tulad ng bawang at sibuyas.
- Odor-causing bacteria sa dila na humahalo amino acids ng mga pagkain.
- Gum disease (Periodontal), kung saan sumisiksik ang mga bacteria sa gilagid at nagdudulot para masira ito at ang mga ngipin. - Dry mouth (Xerostomia), kung saan ang bibig ay nagkukulang sa production ng laway, kaya hindi nalilinis ang bibig mula sa particles na naiwan ng mga pagkain.
- Paninigarilyo na nagmamantsa sa mga ngipin at nagiging dulot ng gum disease at oral cancer.
Kaya ayon sa The Journal of the American Dental Association, mahalaga ang pagsisipilyo, dalawang beses sa isang araw, at sa paggawa nito, maigi rin na i-brush ang dila para matanggal ang bacteria na nagdudulot para magkaroon ng hindi kaaya-ayang amoy ang hininga.
Para naman sa mga may dry mouth, inaabiso rito ang pagnguya ng sugar-free gum o candies para ma-stimulate ang salivary flow.
Sa dagdag na pag-aaral ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) mahalagang umiwas sa mga pagkain at inumin na mataas ang sugar-content dahil nakadaragdag ito sa cavities na naiipon sa sulok-sulok ng mga ngipin, na nagdudulot para kalauna’y mabulok ito.
Ayon pa sa ahensya, ang paggamit ng toothpaste na may “fluoride” content ay nakatutulong para maiwasan ang pagkasira ng mga ngipin na dulot ng bacteria na naninirahan sa bibig.
Sa ilan pang pag-aaral, inaabiso ang paglilinis at disinfection ng toothbrush at pagpapalit nito kada tatlong buwan ng gamit.
Inaabiso rin ang regular na pag-inom ng tubig para maiwasan ang pagkatuyo ng bibig at ang pagkakaroon ng healthy at balanced diet para sa maayos na digestive system, dahil kadalasan, sumisingaw rin ang amoy ng pagkain sa bibig.
Panghuli ay ang regular na pagbisita sa dentista para sa maagap na check-up tuwing anim na buwan o dalawang beses sa isang taon.
Mahalagang tandaan na ang pagkakaroon ng maayos na dental care ay hindi lamang “aesthetic” ngunit responsibilidad para mapangalagaan ang pangkabuoang kalusugan.
Sean Antonio/BALITA