Limang trabahador ng pinyahan ang nasawi matapos tumbukin ng truck ang kahabaan ng isang bakuran sa Valencia City, Bukidnon.
Ayon sa mga ulat, pauwi na raw sana ang mga biktima na noo’y katatapos lamang mag-ani nang araruhin sila ng naturang truck.
Tatlong kababaihan at 2 lalaki ang mga nasawing biktima na sinubukan pang maisugod sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival. Tatlong katao rin ang sugatan matapos madamay sa insidente.
Lumalabas sa imbestigasyon na nawalan umano ng preno ang truck sa pababang bahagi ng daan, kung kaya’t natumbok nito ang kinaroroonan ng mga biktima.
Nagkasa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad kung saan napag-alamang substitute driver lamang umano ang nagmamaneho ng truck na umararo sa mga biktima.
Samantala, nangako naman ang kompanyang may-ari ng plantasyon na sasagutin nila ang gastos sa mga biktima. Tinatayang nasa dalawa hanggang tatlong taon na nilang empleyado ang limang biktimang nasawi.