Inaasikaso na raw ng National Commission on Senior Citizen (NCSC) ang agarang pamamahagi ng centenarian cash aid para sa apat na Aeta na hindi pa nakakatanggap ng ₱100,000 benepisyo bagama’t nasa mahigit 100 taong gulang na sila.
Matatandaang naging usap-usapan sa social media ang nasabing mga Aeta na wala pa raw natatanggap na kahit ano magmula ng tumuntong sila sa edad na 100-anyos.
Ayon sa mga ulat ang isa sa kanila ay 102 taong gulang na at nagsilbi ring sundalo noong panahon ng digmaang Pilipino-Amerikano.
Samantala matapos mag-viral, agad na nagbigay ng tig-₱10,000 tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Depense ng naturang ahensya, matagal na raw wala sa kanila ang programa ng pamamahagi ng ₱100k para sa mga centenarians na Pilipino at nailipat na ito sa NCSC.
Maki-Balita: ₱10K, maaaring makuha ng ilang senior citizens na nasa edad 80, 85, 90, at 95-anyos
Ayon sa batas, makakatanggap na dapat ng tig-₱10,000 ang mga Pilipinong tumuntong na ng milestone age mula edad 80, 85, 90 at 95 taon gulang. Habang buong ₱100k naman ang matatanggap kapag tumuntong na sa edad 100 taong gulang.
Sa hiwalay na pahayag, ipinag-utos na ng NCSC na maibigay ang backlog na ₱100,000 para sa apat na Aeta na hindi raw nakatanggap ng nasabing benepisyo bunsod daw ng paglilipat ng naturang programa mula DSWD patungo sa kanilang ahensya.
Ibinida rin ng NCSC na magmula noong 2025 ay tinatayang nasa ₱2.8 billion cash gift na ang kanilang mga naipamahagi para sa mga senior citizens