February 08, 2026

Home BALITA

'Maraming salamat sa inspirasyon!' Sen. Bam, inalala si PNoy sa 66th birthday nito

'Maraming salamat sa inspirasyon!' Sen. Bam, inalala si PNoy sa 66th birthday nito
Photo courtesy: Bam Aquino/FB


Inalala ni Sen. Bam Aquino si dating Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III, o mas kilala bilang si “Noynoy” o “PNoy,” bilang paggunita sa ika-66 anibersaryo ng kapanganakan nito.

Sa ibinahagi niyang Facebook post nitong Linggo, Pebrero 8, inilahad niya ang taos-puso niyang pasasalamat para sa dating Pangulo.

“Nakaka-miss si PNoy. Ngayong ika-66 na anibersaryo ng kanyang kapanganakan, wala akong ibang salitang maisip kundi pasasalamat. Maraming salamat sa inspirasyon at sa buhay mo, Kuya Noy,” saad ni Sen. Bam.

“Mas madalas ko siyang nakasama at mas personal kong nakausap si Kuya Noy matapos ang kanyang termino bilang Pangulo—wala nang kamera, wala nang entablado. Mga simpleng kuwentuhan na lang tungkol sa mga napanood sa Netflix at sa YouTube,” dagdag pa niya.

Isiniwalat niya ring sa kabila ng tila pagiging mailap ni Noynoy, taos-puso at tapat naman daw ang pagmamahal na mayroon ito para sa Pilipinas.

“Madalas siyang mapagkamalang aloof o mailap noon, pero ang totoo, mahiyain lang talaga siya. At sa likod ng katahimikang ’yon, nandoon ang isang tapat at taos-pusong pagmamahal sa bayan. Walang hinihingi. Walang kapalit,” ani Sen. Bam.

Binalikan din ng mambabatas ang panunungkulan ni PNoy na aniya’y tapat, may kasipagan, at buong-buo para sa taumbayan.

“Sa bawat araw ng kanyang panunungkulan bilang Pangulo, nagtrabaho siya nang buong tapat. Hindi para sa papuri, hindi para sa palakpakan—kundi dahil naniniwala siya na may pananagutan ang bawat pinunong pinagkakatiwalaan ng taumbayan. Kung tatanungin mo ang mga nakasama niya sa trabaho, iisa ang sasabihin: masipag si PNoy. Tahimik, pero buong-buo ang ibinigay niya para sa mga Pilipino,” anang mamababatas.

“Kay PNoy, muling natutong mangarap ang marami nating kababayan dahil pinakita niyang posible pala ang isang pamumunong tapat. Yung ‘kayo ang boss ko,’ ‘tuwid na daan,’ at ‘walang wang-wang’—hindi ’yon mga slogan lang. Siya talaga ’yon. Galing sa paniniwala niya na siya ay instrumento lamang para manguna sa paglalakbay natin tungo sa tuwid na daan; na sa kadulu-duluhan ng lahat, ang mamamayan pa rin ang mangingibabaw, mananaig, at magdidikta ng kapalaran ng ating bayan. Ipinakita ni PNoy ang kahalagahan ng pagtataya—na walang malaki at mahirap na laban kung may malalim at malinaw na pinanghuhugutan ng lakas,” aniya pa.

“Sa kaarawan mo, Kuya Noy, higit sa lahat ay pasasalamat. Paalala ka na posible pala ang isang pinunong buong puso ang alay sa bayan. Naniniwala akong sa kadulu-duluhan ng lahat, mas magiging mabait ang kasaysayan sa’yo. Maraming salamat sa inspirasyon, katapatan, at malalim na pagmamahal sa bayan. Mahal ka namin, Kuya Noy,” pagtatapos niya.

Si Sen. Bam Aquino ay pinsan ni PNoy, na siyang nanilbihan bilang ika-15 Pangulo ng Republika ng Pilipinas.Si Noynoy ay anak din ni dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino at dating Sen. Ninoy Aquino.

KAUGNAY NA BALITA: De Lima, inalala tahimik na paglilingkod ni PNoy-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA