Itinanggi ni Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Atty. Leila de Lima na siya ay nagbato ng hindi magagandang mga pahayag laban sa Korte Suprema.
Kaugnay ito sa umano’y pagkalat ng malisyosong social media post kung saan sinabi raw ni De Lima na siya ay nahihiya dahil hindi alam ng “court justices” ang batas.
“Nakakahiya naman court justices kayo, hindi niyo alam ang batas,” saad ng post.
Buwelta ni De Lima, “fake news” ito, at hindi umano niya sinabi ang mga pahayag na ito.
“This is FAKE news. I did NOT make this statement. Mag-ingat at maging mapanuri po tayo. Ipinakakalat ang ganitong kasinungalingan sa social media para ilihis tayo sa tunay na isyu at sa kung ano ang totoo,” saad niya sa kaniyang social media post noong Sabado, Pebrero 7.
Giit pa niya, “Alam natin kung sino ang natutuwa at nakikinabang sa ganitong mga paninira at fake news!”
Photo courtesy: Leila de Lima/FB
Panawagan ng mambabatas, tulungan silang i-report ang mga ganitong uri ng post at mga pahina.
“Please help report these kinds of posts and pages. Salamat po!” anang mambabatas.
Vincent Gutierrez/BALITA