Ginunita ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Atty. Leila de Lima ang ika-66 anibersaryo ng kapanganakan ni dating Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III, o mas kilala sa katawagang “Noynoy” o “PNoy.”
Sa social media post na ibinahagi ni De Lima nitong Linggo, Pebrero 8, inilahad niya na nanindigan si PNoy laban sa korapsyon, at siniguro ang maayos na pamamalakad sa pamahalaan.
“Happy birthday in heaven, PNoy!” panimula ni De Lima.
“With everything that is happening in our country today, we not only miss him, but are also reminded of the significance of the principles he fought for: integrity, moral courage, accountability, national dignity and justice,” saad niya.
“He relentlessly stood up against corruption, implemented genuine good governance reforms, and defended our country's sovereignty and territorial integrity,” dagdag pa niya.
Nagbalik-tanaw din si De Lima sa aniya’y pinakamabigat na pagsubok sa kaniyang buhay—kung saan ipinaramdam daw ni PNoy na siya ay hindi nag-iisa.
“Sa pinakamabigat na pagsubok sa buhay ko, ipinaramdam mo sa’kin na hindi ako nag-iisa—mula sa pangungumusta sa sulat, pagsasalita sa publiko, at sa mga pagbisita mo, kung saan kulang na kulang ang oras para sa mga jokes at kwento mo na parang hindi maubos-ubos,” ani De Lima.
Dagdag pa niya, “Maraming salamat, PNoy, sa pagiging tunay na inspirasyon, sa pagpapakita sa amin ng tunay na liderato at dalisay na paglilingkod hindi lang nang buong puso at katapatan, kundi nang buong dangal at tapang.”
“Sa kabila ng mga pangmamaliit, pag-alipusta at paninira, naglingkod ka nang tapat, ipinaglaban mo ang tama at nararapat, at ibinandila ang giting, dangal at husay ng Pilipino at ng Pilipinas sa buong mundo. Lagi’t lagi, ang paggunita at pasasalamat namin sa’yo, PNoy. Missing you so much, Sir!” pagtatapos niya.
Nauna nang inalala ni Sen. Bam Aquino ang kaniyang pinsang si Noynoy sa 66th birthday nito, na ibinahagi niya rin sa kaniyang social media post.
“Nakaka-miss si PNoy. Ngayong ika-66 na anibersaryo ng kanyang kapanganakan, wala akong ibang salitang maisip kundi pasasalamat. Maraming salamat sa inspirasyon at sa buhay mo, Kuya Noy,” saad ni Sen. Bam.
MAKI-BALITA: 'Maraming salamat sa inspirasyon!' Sen. Bam, inalala si PNoy sa 66th birthday nito-Balita
Matatandaang nanilbihan bilang kalihim ng Department of Justice (DOJ) si De Lima mula 2010 hanggang 2015, sa ilalim ng administrasyong PNoy.
Vincent Gutierrez/BALITA