"Ang pag-aasawa ay hindi biro, 'di tulad ng kanin, iluluwa kung mapaso."
Kadalasan, ang mga katagang ito ay maririnig sa mga matatanda bilang paalala na ang pag-aasawa ay isang sagradong pangako sa harap ng tao at Diyos, kaya ang pagsasamang ito ay hindi basta napuputol.
Kaya tinuturo rin na hindi natatapos sa “I do” ang pagmamahalan, bagkus, nagpupursige ito kahit matapos na ang magarbong seremonya ng kasal at ang tinatawag ng marami na “honeymoon phase” sa pagsasama.
Dahil dito, ano nga ba ang honeymoon phase at bakit ito kinikilala bilang “euphoric stage” sa isang relasyon?
Ayon sa mga pag-aaral, ang honeymoon phase ay ang parte ng relasyon kung saan nagpapalagayang-loob pa ang magkarelasyon o mag-asawa sa pagsisimula ng kanilang pagsasama.
Makikita sa parte ng relasyon na ito ang mataas na atraksyon sa isa’t-isa at intense na mga emosyon dahil ayon sa mga eksperto, ito rin ang panahon na puno ng “feel good” chemicals ang utak ng tao tulad ng dopamine at oxytocin.
Kadalasan, nagtatagal ito ng anim na buwan hanggang dalawang taon, depende sa dynamics ng dalawang tao na nasa relasyon.
Dahil hindi ito “forever” sa isang relasyon o pagsasama, nawawala ang noo’y mataas na atraksyon at saya na naramdaman para sa asawa.
Kaya ayon sa pag-aaral ng Healthline, mahalaga na mapanatili ang maayos na komunikasyon at tiwala sa mag-asawa para matiyak na prayoridad pa rin sa relasyon ang kasiyahan at kapakanan ng isa’t isa.
Isa pa ay ang pagtitiyak na may nilalaan pa rin na oras para sa isa’t isa para lubos ang pagkakilala sa personalidad at expectation sa relasyon, dahil sa pag-usad ng panahon na magkasama, hindi garantisado na araw-araw ay magiging magaan o masaya.
Ayon sa isang pag-aaral na inilathala sa “Journal of Sex and Marital Therapy,” 65% ng mga mag-asawa na may regular na pagsisiping ay kadalasang mas masaya sa kanilang relasyon.
Dahil dito, inaabiso sa mga mag-asawa ang regular na pag-schedule ng kanilang “intimacy time” para maprayoridad ang mga pisikal at emosyonal na pangangailangan ng isa’t isa.
Bukod sa mga naitalang tips mula sa iba’t ibang eksperto at pag-aaral, mahalagang tandaan na nasaan mang parte ng relasyon, hindi kumukupas ang pagkilala sa efforts at mga sakripisyo ng bawat isa, kasabay nito ang pagsubok sa mga bagong bagay–mapa-date activity man ito, bagong putahe, o remodeling ng bahay.
Dahil ang tunay na pagmamahal ay hindi man kukupas, ilang taon man ang magdaan sa pagsasama.
Sean Antonio/BALITA