February 08, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Ano ang ‘Taob, Taktak, Tuyo, at Takip’ ng DOH?

ALAMIN: Ano ang ‘Taob, Taktak, Tuyo, at Takip’ ng DOH?
Photo courtesy: Unsplash

Tinatayang 7,471 ang naitalang kaso ng dengue sa bansa simula Enero 4 hanggang 24, ayon sa Department of Health (DOH) noong Sabado, Pebrero 7. 

Bagama’t mababa ito kumpara sa naitalang 25, 652 kaso ng dengue noong 2025 sa kaparehang panahon, ipinaalala ni DOH Sec. Ted Herbosa na hindi nawawala sa uso ang sakit na ito at mas tumataas pa ang mga nadadapuan nito tuwing tag-ulan. 

Aniya, isa sa mga “prevention” na inaabisong gawin ng publiko ay ang “Taob, Taktak, Tuyo, at Takip” na inisyatibang pinangungunahan ng DOH kontra-dengue. 

MAKI-BALITA: Kaso ng dengue sa pagpasok ng 2026, naitalang nasa higit 7k

Human-Interest

ALAMIN: Mga pamahiin tuwing Chinese New Year

Dahil dito, ano nga ba ang “Taob, Taktak, Tuyo, at Takip” ng DOH?

Ayon sa ahensya, ang “Taob, Taktak, Tuyo, at Takip” o 4Ts ay layong puksain ang breeding sites ng mga lamok na may dalang dengue sa pamamagitan ng pagtanggal ng mga naimbak na tubig sa mga lalagyan tulad ng balde, batsa, at gulong, na madalas ay nag-iipon ng tubig-ulan. 

Ito ay inaabisong regular na gawin tuwing 4:00 PM dahil ayon sa mga pag-aaral, ang Aedes aegypti o lamok na nagdadala ng dengue ay madalas aktibo mga bandang 4:00 PM hanggang 6:00 PM, kaya tinawag rin ito na “4 o’clock habit.”

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang dengue mosquitos ay naglalabas ng dose-dosenang itlog sa kanilang buhay at agad itong napipisa kapag may contact sa tubig. 

Ang adult mosquitoes ay kadalasan ding naninirahan sa madidilim na lugar tulad ng aparador, ilalim ng kama, at likod ng kurtina. 

Kaya bukod sa 4Ts, isa pang paraan sa inaabiso ng WHO na proteksyon laban sa dengue ay ang pagsusuot ng mga damit na may long-sleeves, paggamit ng mosquito repellents, at paglalagay ng screen sa mga bintana at pinto para hindi agad makapasok ang lamok sa loob ng bahay. 

Sean Antonio/BALITA