Masayang-masaya ang mga dumalo sa rAWnd 3 Get Get Aw reunion concert ng SexBomb Girls na ginanap sa SM Mall of Asia (MOA) Arena noong Biyernes, Pebrero 6, dahil bukod sa muli nilang nasilayan ang Nation's girl group, na "pinalaki" sila, sorpresang lumitaw sa performance ang Nation's girl group ng kasalukuyang henerasyon: ang BINI.
Sa gitna ng hiyawan ng libo-libong manonood, nakipagsabayan ang BINI sa iconic novelty song na "Halukay Ube” na pinasikat ng SexBomb Girls, isang awiting tumatak sa pop culture ng early 2000s.
Hindi naman nagpahuli ang SexBomb Girls nang kantahin naman nila ang “Salamin, Salamin” ng BINI, na lalong nagpaigting sa sigawan at palakpakan sa loob ng arena.
ito ang unang beses na nakitang magkasama sa iisang stage ang SexBomb Girls at BINI na talaga namang ikinawindang ng kanilang fans at supporters, matapos silang pagsabungin.
Pinagtatalunan kasi ng mga netizen kung sino nga ba kasi ang maituturing na "Nation's girl group."
Pero matapos ang sorpresang pag-guest ng BINI sa pangatlong reunion concert, masasabi raw na sila ang dalawang nation’s girl group ng kani-kanilang panahon; ang SexBomb Girls na naglatag ng pundasyon ng girl group phenomenon sa bansa, at ang BINI na kasalukuyang nangingibabaw sa Pinoy-pop scene.
Gayunman, sa halip na kompetisyon, pagpupugay at pagkakaisa ang naging tema ng gabi.
Matapos ang kanilang performances, sinabi ni Rochelle sa mga dumalo ng concert na sana raw, huwag na silang ipagkumpara ng SexBomb at BINI.
Unang-una raw, pare-pareho silang mga babae at pangalawa, pareho lang silang nagmamahal sa craft nila.
"Pero gusto lang namin linawin na hindi ito competition," ani Rochelle.
"Iba-iba ang panahon, iba-iba ang journey. May SexBomb Girls na nagbigay-saya sa inyo noon, at ngayon naman, BINI ang nagbibigay ng inspirasyon at saya sa bagong henerasyon, gaya ng mga anak namin."
"Pare-pareho lang kaming mga babaeng nangangarap, nagsusumikap, at nagmamahal sa musika at sayaw. Kaya sana, sana po huwag na tayong mag-compare. Mas maganda kapag nagkakaisa at nagmamahalan," ayon pa kay Rochelle.
Samantala, curious naman ang mga netizen kung ano ang reaksiyon ng daughter ni Rochelle na nakita niyang nag-perform ang ina kasama ang BINI.
Matatandaang sa panayam kay Karen Davila, sinabi ni Rochelle na hindi raw makapaniwala ang anak niya na sila ang Nation's girl group noon, katumbas ng BINI ngayon.
"You will never be BINI mom," sabi raw sa kaniya ng anak.
Kaugnay na Balita: Unexpected collab! BINI, bumulaga sa rAWnd 3 concert ng SexBomb Girls!