February 08, 2026

Home BALITA

Nakonsensyang holdaper, kusang sumuko sa pulisya; ginamit na kutsilyo at baril, laruan lang!

Nakonsensyang holdaper, kusang sumuko sa pulisya; ginamit na kutsilyo at baril, laruan lang!

Kusang sumuko sa pulisya ang isang lalaki na sangkot sa panghoholdap sa isang convenience store sa Barangay Doña Imelda, Quezon City.

Batay sa ulat ng pulisya, tinutukan umano ng suspek ng patalim ang isang empleyado habang pinilit naman ang isa pang tindera na ibigay ang kita ng establisyimento na umaabot sa mahigit  ₱13,000.

Agad na nagsumbong ang mga biktima sa mga awtoridad. Sa isinagawang follow-up investigation ng Quezon City Police District, katuwang ang Manila Police at iba pang himpilan, natukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at kalauna’y natunton sa Tondo, Maynila.

Matapos makumpleto ang profile nito, kusa na lamang sumuko ang lalaki sa istasyon ng pulisya. 

Ronald Llamas, nagpatutsada: ‘Singilin ang mga Tsinador!’

Lumabas sa imbestigasyon na undergraduate umano ito ng kursong criminology at unang pagkakataon pa lamang na nasangkot sa krimen.

Ayon sa suspek, nakaramdam siya ng matinding pagsisisi kaya nagpasiyang sumuko.

“Hindi ko po talaga ginusto ang nangyari. Dahil lang po sa pangangailangan, nasa ospital po ang nanay ko noon at may mahigit ₱150,000 kaming bayarin. Nakokonsensiya po ako sa nagawa ko kaya narito po ako ngayon para humingi ng tawad,” pahayag niya.

Sinabi ng pulisya na laruan lamang na kutsilyo at baril ang ginamit sa panghoholdap. Narekober din mula sa suspek ang motorsiklo, helmet at mga damit na suot nito nang isagawa ang krimen.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Galas Police Station 11 ng Quezon City Police District ang suspek at nahaharap sa kasong robbery.