Patay ang isang menor de edad na Grade 12 student matapos ang insidente ng pamamaril sa loob mismo ng isang silid-aralan sa Barangay Bungahan, Lian, Batangas.
Batay sa ulat ng Regional Police Station CALABARZON, nakatanggap ng tawag ang Lian Municipal Police Station mula sa municipal administrator hinggil sa napaulat na barilan sa loob ng paaralan kaya agad na ipinadala ang mga rumespondeng pulis sa lugar.
Sa paunang imbestigasyon, nadatnan ng mga awtoridad ang estudyante na wala nang buhay at may tama ng bala sa ulo. Sa tabi nito ay natagpuan ang isang .45 caliber na baril na may dalawang bala na hindi pa napapaputok habang dalawang bala pa ng baril ang nakalaglag sa crime scene.
Ayon sa pahayag ng guwardiya ng paaralan, napansin umano nila ang estudyante na may dalang baril kaya sinubukan nila itong pakalmahin at pinababa ang armas. Gayunman, nagpaputok umano ito ng tatlong beses sa loob ng silid-aralan kung saan tinamaan ang kaniyang ama at kapatid na naroon sa lugar.
Matapos ang pamamaril ay itinuro nito ang baril sa sarili at pinaputukan ang sarili.
Agad na isinara ang lugar at ipinatawag ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) upang magsagawa ng masusing pagsusuri sa crime scene. Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang buong detalye ng pangyayari, kabilang ang pinagmulan ng ginamit na baril.
Samantala, nagsagawa ng pulong ang Municipal Social Welfare and Development Office, Municipal Health Office – Lian Rural Health Unit at pamunuan ng paaralan kasama ang mga kinatawan ng paaralan.
Tinalakay sa naturang pagpupulong ang mga hakbang upang mapalakas ang seguridad at kaligtasan ng mga mag-aaral alinsunod sa Child Protection Policy at sa probisyon ng Republic Act No. 10627 o Anti-Bullying Act.
Pinag-usapan din ang pagbibigay ng psychosocial support, counseling, at mental health intervention sa mga mag-aaral, guro at pamilya ng mga naapektuhan ng insidente upang matulungan silang makabangon mula sa trauma.
Ayon sa mga opisyal, patuloy ang koordinasyon ng mga kinauukulang ahensya at hindi inaalis ang posibilidad ng karagdagang interbensyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang kabuuang pangyayari.