February 07, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Iba't ibang pangontra sa malas, negative energy sa pagsalubong ng Chinese New Year

ALAMIN: Iba't ibang pangontra sa malas, negative energy sa pagsalubong ng Chinese New Year
Photo Courtesy: Ralph Mendoza/BALITA

Mahaba at malalim na ang ugnayang namamagitan sa Pilipinas at China. Bagama’t 1975 lang pormal na nasemento ang relasyon ng dalawang bansa, matatandaang bago pa man dumating ang mga mananakop na Kastila sa kapuluan, nakikipagkalakalan na ang mga sinaunang Pilipino sa mga Chinese. 

Makikita ang mga bakas na ito sa annals o mga naitalang ulat sa Volume 186 ng Song Dynasty noong 971 C.E. kung kailan namayagpag umano ang dinastiyang Song sa China. 

Kaya naman sa kabila ng girian sa usaping panteritoryo sa kasalukuyan, hindi nakapagtatakang patuloy pa ring niyayakap ng maraming Pilipino ang kultura ng mga Chinese. 

At isa na marahil dito ay ang pagdiriwang ng Chinese New Year. Sa katunayan, deklarado sa Pilipinas bilang special non-working holiday ang nasabing selebrasyon.

Human-Interest

ALAMIN: Mga pamahiin tuwing Chinese New Year

Maki-Balita: Maraming long weekends! Listahan ng ‘holidays’ para sa taong 2026

Kaakibat ng pagdiriwang nito ang samu’t saring paniniwala at pamahiin, kagaya halimbawa kung papaano gagawing masagana ang paparating na taon o kung ano-anong mga abubot ang pwedeng makapagtaboy ng malas, lalo pa’t maituturing umanong taghirap ang 2026 ayon sa feng shui expert na si Master Hanz Cua.

“Ang 2026 will not be a good year. Difficult ang money, ang wealth star. Walang pera sa chart natin. Because water element is missing o wala talagang water element sa 2026,” saad ni Master Hanz sa eksklusibong panayam ng Balita.

Maki-Balita: Year of the Horse ng 2026, taon ng taghirap!—feng shui expert

Kaya naman sinubukan ng Balita na dumayo sa Binondo, Maynila nitong Sabado, Pebrero 7, upang alamin ang ilang pangontra sa malas at negatibong enerhiya sa pagsalubong ng Chinese New Year.

Sa Plaza San Lorenzo Ruiz, sa harap ng Binondo Church, matatagpuan ang stall ni Mang Alexander. Nakalatag doon ang mga evil eye bracelet na may iba’t ibang kulay. 

Sa loob ng mahabang panahon, naging sagisag  na ng evil eye ang proteksyon. Pinaniniwalaang sinomang mayroon nito ay lulubayan ng kamalasan at ng enerhiyang hindi kaaya-aya.

Bukod sa evil eye bracelet, mabibili rin kay Mang Alexander ang isa pang bracelet na kung tawagin ay Pi Yao o Pixiu. Isa itong tradisyonal na Chinese amulet na pinaniniwalaan bilang malakas na cure at enhancer.

Hindi lang ito basta nagtataboy ng malas, nagdadala rin umano ito ng yaman at suwerte.

Samantala, mula Plaza San Lorenzo Ruiz, lumakad lang nang kaunti papunta sa kalye ng Ongpin ay matatagpuan naman ang Dragon Phoenix Enterprises. Tindahan ito ng mga bato, kristal, feng shui cure at enhancer.

Kabilang sa mga mabibili rito ay ang mga crystal chips, na bagama’t maliliit na hiyas ay nagtataglay naman umano ng mga dambuhalang enerhiya.

Halimbawa, ang rose quartz ay makakatulong para humilom ang sugatang puso ng isang tao o mapakalma kung siya ay dumaranas ng emotional distress.

Samantala, kung ang isang tao naman ay dumaranas ng sobrang pagkalulong sa iba’t ibang substance, kapaki-pakinabang ang crystal chips na amethyst para malunasan ang adiksyong nararanasan. Pinaniniwalaan kasing may kakayahan ang munting hiyas na ito na magpatahimik ng isip. 

Ang mga crystal chips na ito ay magagamit sa iba’t ibang kaparaanan dahil ito ay sadyang idinisenyo upang maging daluyan ng positibong enerhiya at spiritual connections. 

Pwede itong gawing stone pocket bilang personal energy o kaya naman ay grounding tools sa ginagawang sahig, haligi, o hagdan ng isang bahay at gusali. Maaari din itong ilagay sa money pot o wealth vases para mapasakamay ang inaasam na kasaganahan.

Pero kung ninanais talagang kapitan ng suwerte sa buhay, maaaring subukan ang fortune lucky string. 

Kinakailangang isuot ito sa kaliwang kamay. Ito raw kasi umano ang recieving part ng katawan ng tao at ang kulay pulang tali nito ang nagsisilbing harang mula sa pagiging sawing-palad.

Habang suot ang nasabing string, maaaring awitin o bigkasin ang sacred six-syllable mantrang “Om Mani Padme Hum” kung kinakailangan ng proteksyon, kapayapaan ng isip, at pag-ibig.

Kadalasan din umanong isinusuot ang fortune lucky string sa mga sanggol para mailayo sila sa nakaambang kamalasan. 

Ngunit mahalagang tandaan na hindi laging kusang dumarating ang malas o suwerte sa buhay. Minsan, ito ay nililikha.