February 06, 2026

Home BALITA

Natiklong ambulance driver, jebs na jebs na kaya pumasok sa EDSA busway?

Natiklong ambulance driver, jebs na jebs na kaya pumasok sa EDSA busway?
Photo courtesy: ABS-CBN News Channel (X), Gadget Addict (FB)

Tila tinatawag na raw talaga ng kalikasan ang isang ambulance driver na nahuli ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) kaya napilitan itong pumasok sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) busway. 

Ayon sa naging dahilan ng hindi pinangalanang barangay Moonwalk, Parañaque City ambulance driver sa media nang mahuli siya ng mga awtoridad noong Huwebes, Pebrero 5, 2026, sinabi niyang nadudumi na raw siya kaya siya pumasok sa bus lane sa EDSA Santolan southbound.

“Tawag lang ng kalikasan kaya pumasok na ako [sa EDSA busway], e,” pagsisimula niya, “So papaano na kung dito ako naano?” 

Anang driver, alam naman daw niya na bawal dumaan sa bus lane ang isang ambulansya lalo na kung wala naman itong sakay na pasyente. 

Probinsya

10.4°C, naitalang pinakamababang temperatura sa Benguet ngayong 2026

“Alam ko naman, sir, alam ko naman [na bawal]. At saka kung may pasyente, okay lang. Pero kung wala, hindi pupuwedeng dumaan,” aniya. 

Nagawa pang makiusap ng driver sa awtoridad dahil gusto raw niyang makapunta na sa comfort room. 

“Sabi ko, baka naman puwedeng makiusap naman ako kasi [nakita] n’yo naman tumawid ako para lang mag-cr,” saad niya. 

Tila hindi naman ito lumusot sa SAICT at tiniketan ang nasabing driver ng Disregarding Traffic Sign (DTS). 

“Sir, ang violation n’yo po, kung ano po ang talagang nilalagay namin [ay] talagang violation po, e. Disregarding Traffic Sign po passing to busway,” ayon sa opisyal.  

Pakiusap naman ng driver, “Mayroon naman pong dahilan kung bakit pumasok sa bus lane. Baka naman po, konsiderasyon lang po, sir.” 

Kaugnay nito, mahigpit na ipinagbabawal sa polisiya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang paggamit ng ambulansya ng bus lane lalo na kung wala itong sakay na pasyente. 

Maaaring magmulta ang sinomang lalabag rito ng halagang ₱5,000 sa unang paglabag at matanggalan ng lisensya kung masusundan pa ang nasabing violation. 

MAKI-BALITA: Carnapper natrapik sa EDSA, timbog!

MAKI-BALITA: Tanggal angas! Pulis na hinarangan ang truck ng bumbero, buminggo sa LTO

Mc Vincent Mirabuna/Balita