Sa kabila ng patuloy na pagdami ng mga aplikante sa buong bansa, hanggang 8,500 bagong undergraduate scholars lamang ang tatanggapin ng Department of Science and Technology–Science Education Institute (DOST-SEI) ngayong 2026.
Ipinaliwanag ng DOST-SEI na ₱7.6 bilyon lamang ang inaprubahan mula sa hinihingi nitong ₱11 bilyon para sa fiscal year 2026, na sana’y gagamitin upang palawakin ang bilang ng scholars, pagbutihin ang benepisyo, at palakasin ang mga capacity-building initiative.
“This approved budget allows the agency to sustainably support 54,307 scholars across undergraduate and graduate levels,” ayon sa DOST-SEI sa panayam sa media.
Kasama na sa bilang na ito ang mga papasok na first-year college scholars na pipiliin sa pamamagitan ng national competitive examination na gaganapin sa Pebrero 21 at 22, 2026.
Dahil sa limitadong bilang ng slots, tinatayang nasa 8.3% lamang ang acceptance rate ngayong taon—ang pinakamababa sa kasaysayan ng DOST Undergraduate Scholarship—habang patuloy namang tumataas ang bilang ng mga aplikante.
Nilinaw naman ng DOST-SEI na ang mababang acceptance rate ay hindi dulot ng paghihigpit ng pamantayan o pagbabago sa selection criteria.
“The number of scholarship slots has always been determined by the budget allocated for the agency, not by the volume of applicants,” pahayag ng institusyon.
“The acceptance rate appears lower this year because the number of qualified examinees is higher compared to previous years,” saad pa ng ahensya.
Sa kauna-unahang pagkakataon, inihayag din ng DOST-SEI bago ang pagsusulit ang eksaktong bilang ng available slots upang isulong ang transparency at maayos na pamahalaan ang inaasahan ng publiko sa gitna ng tumataas na demand.
“While this was not common practice in previous years, the agency deemed it necessary given the steadily increasing number of applicants nationwide, to provide clarity on the number of slots that can be supported under the current fiscal allocation,” ayon pa sa ahensya.
Binigyang-diin ng DOST-SEI na nananatiling hindi nagbabago ang academic standards at ang integridad ng merit-based selection process nito.
Sa kabila ng kakapusan sa pondo, sinabi ng DOST-SEI na patuloy nitong pinakikinabangan nang husto ang mga available na resources, na may 98.97% budget utilization rate noong 2025.
Dagdag pa nito, patuloy ang pakikipag-ugnayan sa Department of Budget and Management upang humiling ng mas mataas na pondo sa mga susunod na budget cycle para sa mas malaking bilang ng scholars at mas pinalawak na scholarship packages.
Pinayuhan naman ang mga estudyanteng hindi papasok sa quota ngayong taon na isaalang-alang ang pag-aapply sa Junior Level Science Scholarship (JLSS) Program, na nagbibigay ng suporta sa mga estudyanteng papasok sa ikatlong taon sa mga prayoridad na kurso sa agham at teknolohiya.