Personal na binisita ni Cardinal Luis Antonio Tagle ang P-Pop Kings, SB19, para personal na mag-good luck sa kanilang “Sama sa Roma” concert kamakailan.
Makikita sa kalalabas lamang na vlog ng SB19 noong Linggo, Pebrero 1, na bagama’t maigsi, naging makabuluhan pa rin ang pakikipagkamay at pagbati Cardinal Tagle kina Pablo, Stell, Justin, Felip, at Josh, sa backstage ng kanilang concert sa Italy.
“Lagi ko po kayong napapanood,” ani ng kanilang main dancer, lead vocalist, at rapper na si Felip, sa Cardinal.
“Nako, nakakahiya naman,” pabiro namang sagot ni Cardinal Tagle, na umani ng mga tawanan mula sa grupo at mga staff.
Ang nasabing concert tour ay ginanap noong Oktubre 2025 sa Spazio Atlantico, Rome, Italy, na dinaluhan ng tinatayang 1,700 attendees.
Layon ng nasabing concert na pagbuklurin ang kultura, pananampalataya, at global pride ng mga Pinoy, sa temang Celebrate the Faith. Embrace our culture. Ignite Hope!”
Kasunod nito ang kanilang sold-out “Simula at Wakas World Tour” sa Qatar National Convention Center noon ding Oktubre 2025.
Sean Antonio/BALITA