February 04, 2026

Home BALITA

'That is pure bulls***!' De Lima, nanggigil sa umano'y kawalang aksyon ni PBBM sa ICI

'That is pure bulls***!' De Lima, nanggigil sa umano'y kawalang aksyon ni PBBM sa ICI
Photo courtesy: via Balita, Sandro Marcos/FB


Tila nagngitngit si Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Atty. Leila de Lima sa umano’y kawalan ng aksyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. hinggil sa estado ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Kaugnay ito sa pahayag ng Palasyo noong Martes, Pebrero 3, kung saan sinabi nito na magsabi lamang ang ICI ng kanilang kailangan at ito ay tutugunan ni PBBM.

Sa ibinahaging social media post ni Rep. De Lima nitong Miyerkules, Pebrero 4, tahasang niyang sinabi na tila ayaw naman na raw ng Pangulo na magpatuloy ang komisyon.

“Sa patuloy na kawalan ng aksyon ng Pangulo na magtalaga ng bagong Commissioners ng ICI, halata naman na ayaw nya nang magpatuloy ito,” panimula ni De Lima.

Giit pa niya, “Napakalaking kalokohan kung ipapasa pa nya sa ICI ang desisyon sa magiging kapalaran nito dahil sa palusot na ‘independent body’ ito. Sya ang gumawa ng ICI eh. One-man commission ba 'yun?”

Idiniin din ng kongresista na ang ICI ay isang “collegial body,” at hindi umano ito makakapagpatuloy ng operasyon kung isa na lamang ang miyembro nito.

“Hindi katanggap-tangggap ang pahayag ng Palasyo na kailangan lang daw magsabi ng ICI kung ano ang kailangan nila para matulungan sila ng Pangulo. That is pure bulls***,” anang kongresista.

“Alam naman nila kung ano ang kailangan ng ICI. Mismong mga nag-resign na Commissioners ng ICI na sina former Sec. Babes Singson at Rossana Fajardo ang nagsabi na malaking tulong ang pagsasabatas ng ICAIC/IPC Law para madagdagan ng kapangyarihan at resources ang ICI,” dagdag pa niya.

“Until now, the President has not certified this measure as urgent. It is now gathering dust in Congress. Pero ano nga bang aasahan natin, kahit ano namang lakas ng ating panawagan ay balewala rin kung ang Pangulo ay nagbibingi-bingihan,” pagtatapos niya.

Matatandaang inihayag ng Palasyo na hahayaan na lamang ng Pangulo sa ICI ang imbestigasyon ng maanomalyang flood control projects, dahil nakatuon daw ito sa pagpapalago ng ekonomiya ng bansa.

“Unang-una po, noon pa po niya sinabi [na] lahat ng sangkot ay dapat mapanagot. Ang pag-iimbestiga po ay iniwan niya po sa kamay ng ICI. Ang mga dokumento na dapat aralin—kung sinong dapat kasuhan—[ay] iniwan niya na rin po sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Nandiyan din po at nangako ang Ombudsman na sila’y magpapatuloy sa pag-iimbestiga—pati po ang DOJ,” saad ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro sa ginanap na press briefing ng PCO noong Martes, Pebrero 3.

KAUGNAY NA BALITA: PBBM, nakapokus sa pagpapaangat ng ekonomiya—Palasyo-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA