Posible na raw makilala ng publiko si “Mary Grace Piattos” kung sakaling umusad ang impeachment complaints na nakahain laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa pakikipanayam ng counsel ni VP Sara na si Atty. Michael Poa sa DZMM Teleradyo noong Martes, Pebrero 3, inamin niyang may “restrictions” pagdating sa paglalabas ng “confidential information,” gaya ng nabanggit na si Mary Grace Piattos.
“I think, siguro parang cliché—ayoko sanang isipin ‘yong cliché—pero parati na kasi nating nasasabi na sa appropriate forum, ‘no. At ito na siguro ‘yong appropriate forum, sa impeachment kung talagang maglabasan,” saad ni Poa.
Giit niya, “Kasi ‘yong mga confidential activities, para lang masagot natin nang diretso po ‘yong tanong, ‘yong mga confidential activities mayroon po kasing restrictions ‘yan sa pagdi-disclose lahat-lahat sa public. Bakit? It might jeopardize ‘yong ongoing operations, etc. In fact, under RA 3019, pinaparusahan ‘yong pag-disclose ng confidential information to unauthorized people, ‘no.”
Ayon pa sa kaniya, pakiramdam daw nila noong mga panahong inuurirat ang kanilang kampo hinggil kay Piattos, ay hindi pa tamang maglabas sila ng impormasyon kaugnay dito.
“So, marahil noong mga panahong iyon, ay ang pakiramdam ay hindi tama dahil baka may ma-jeopardize tayo na mga operations. Pero dito sa impeachment, kung ito man ang tamang venue, siguro mailalahad na natin kung ano, and we’ve been preparing for that din naman,” anang counsel.
“Siyempre, gusto nating sagutin lahat nang iyan [dahil] doon lang natin mapapatunayan na talaga namang walang basehan ‘yong mga batikos sa katiwalian laban sa bise presidente,” dagdag pa niya.
Pag-amin pa ng kampo ng bise presidente, nakahanda sila sa anumang mangyari patungkol sa proseso ng impeachment complaints laban kay VP Sara.
Matatandaang sinabi rin ni Poa kamakailan na hindi na nila ikinagulat na nakatanggap muli ng panibagong impeachment complaints ang pangalawang pangulo noong Lunes, Pebrero 2.
"The filing of new impeachment complaints against the Vice President comes as no surprise," ani POA.
MAKI-BALITA: 'No surprise!' Kampo ni VP Sara, nakahanda sa mga bagong impeachment complaints-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA