February 04, 2026

Home BALITA

'Kadiri!' Koalisyong Makabayan, 'di raw ikinagulat pagbasura sa impeachment complaints vs PBBM

'Kadiri!' Koalisyong Makabayan, 'di raw ikinagulat pagbasura sa impeachment complaints vs PBBM
Photo courtesy: Koalisyong Makabayan/FB, Bongbong Marcos/FB


Maiksi ngunit mabigat ang mga binitawang pahayag ng Koalisyong Makabayan matapos ibasura ng House Committee on Justice nitong Miyerkules, Pebrero 4, ang nakahaing impeachment complaints laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa naturang pagdinig, dineklara ng komite na “insufficient in substance” ang dalawang impeachment complaints na inihain ni Atty. Andre de Jesus at ng Makabayan bloc laban sa Pangulo.

MAKI-BALITA: 'Insufficient in substance!' Impeachment complaints kay PBBM, dedo sa Kamara-Balita


Sa ibinahaging social media post ng Koalisyong Makabayan nito ring Miyerkules, Pebrero 4, inamin nilang hindi na rin daw sila nagulat sa naging resulta ng pagdinig.

“Di naman nakakagulat. Puro mga protektor ng korap. Kadiri,” saad nila sa kanilang post.

Kaugnay nito, ikinatuwa naman ng Palasyo ang pagbasura sa nasabing complaints, at nagpapasalamat silang nasunod umano ang proseso nito.

“Unang-una po ay ikinatutuwa po natin na nasunod ang proseso; at nagpapasalamat po tayo na nakita po ng mga mambabatas kung ano po talaga ang katotohanan—at doon po tayo lagi sa katotohanan,” saad ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa media nito ring Miyerkules, Pebrero 4.

MAKI-BALITA: 'Walang merito!' Palasyo ikinatuwa pagbasura sa impeachment complaints vs PBBM-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA