February 03, 2026

Home BALITA Metro

‘Wala na ang pangalan ng Barangay Council!’ Kapitan, flinex pagsunod nila sa 'Anti-Epal ordinance'

‘Wala na ang pangalan ng Barangay Council!’ Kapitan, flinex pagsunod nila sa 'Anti-Epal ordinance'
Photo courtesy: Alex Torres/FB


Ibinida ng kapitan ng Barangay Kapitolyo, Pasig City ang opisyal nilang “letterhead” para sa paggawa ng mga dokumentong pambarangay.

Kaugnay ito sa ibinabang memorandum ng Department of the Interior and Local Government (DILG) hinggil sa mahigpit na implementasyon ng “Anti-Epal Policy” sa buong bansa.

“The Department of the Interior and Local Government has ordered the strict nationwide enforcement of the Anti-Epal policy, directing all local government units and DILG offices to immediately remove the names, images, and likenesses of public officials from all government-funded projects, programs, activities, and properties,” anang DILG.

MAKI-BALITA: May kilala ka bang epal? DILG, sinimulan na implementasyon ng 'Anti-Epal' policy!-Balita

Sa ibinahaging social media post ng kapitan na si Alex Torres kamakailan, ipinakita niya ang dalawang litrato ng dati at bagong mukha ng kanilang letterhead, na kakikitaan ng malaking pagkakaiba.

“Sharing the new look of Barangay Kapitolyo’s letterhead. Mapapansin nating wala na ang pangalan ng Barangay Council sa gilid. Parte ito ng ating effort na umiwas sa tradisyunal na patronage politics at itaguyod ang anti-epal ordinance,” saad ni Torres sa kaniyang post.

Saad pa ni Torres, ito raw ay isang patunay ng kanilang adhikaing baguhin ang sistema.

“Maliit man pero makikita dito ang malinaw nating katayuan sa pagbago ng sistema. Hindi dapat pulitiko at personalidad ang tinitignan sa paggogobyerno pero ang sistema at institusyon na kailangan ng reporma,” anang kapitan.

“Mananatiling aligned ang Kapitolyo sa magandang pamamahala ng Lungsod at DILG,” pagtatapos niya.

Kamakailan din, ipinanawagan ni DILG Secretary Jonvic Remulla na iulat sa kanilang ahensya ang mga politikong lalabag sa naturang ordinansa.

“Ang Anti-Epal naman ay klaro na. Kapag may violations ang mga politicians, ang tinatawag namin na mga mamamayan na picturan, i-post sa Facebook at puwede naming imbestigahan,” ani Remulla sa press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) kamakailan.

MAKI-BALITA: ‘Bawal ang epal!’ DILG, nanawagang ireport mga politikong isasalpak mukha sa proyekto-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA