'MARAMING PILIPINO ANG NABABAHALA'
Tila nananawagan si Davao City first district Rep. Paolo "Pulong" Duterte ng imbestigasyon kaugnay sa isang kumakalat na larawan online ng isang government official na gumagamit diumano ng ipinagbabawal na gamot.
Ani Duterte, maraming Pilipino na raw ang nababahala at hindi raw dapat i-dismiss agad ang pagkabahalang ito.
"May kumakalat na naman ngayon na larawan na umano’y nagpapakita kay bangag na gumagamit ng ipinagbabawal na droga," saad niya sa isang Facebook post nitong Lunes, Pebrero 2. "Understandably, maraming Pilipino ang nababahala. This raises serious questions that cannot simply be brushed aside. Dili ni angay i-dismiss dayon."
Giit pa ng mambabatas, kung peke raw ang larawan ay dapat itong sumailalim sa independent at transparent forensic examination upang matigil na ang haka-haka.
At kung ito raw ay totoo, karapatan daw ng mga tao na malaman ang katotohanan.
Bagama't hindi raw dapat husgahan ang sinoman batay lang sa isang larawan, giit ni Pulong, mas mataas ang pamantayan sa humahawak ng pampublikong opisina, lalo na ang Pangulo.
Binigyang-diin pa ng anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na ang pananahimik o pag-iwas sa isyu ay hindi makatutulong kundi dinadagdagan lamang daw nito ang kawalan ng tiwala ng publiko.
"After all, you are called a leader because you are expected to lead and that can only be done if the people has their full trust in you," ani Duterte.
Binanggit din niya na ang paulit-ulit na alegasyon tungkol sa pagkakalulong sa droga ay bago pa raw mag-2022 elections. Ani Pulong, kung patuloy raw tatanggihan ang pagsasagawa ng hair follicle test ay madagdagan lamang daw ang kawalan ng tiwala ng mga tao at mamumuhunan sa bansa.
Bukod sa usaping ilegal na droga, binanggit din ni Pulong ang umano'y korapsyon na nauugnay sa flood control projects.
Sa huli, giit ng mambabatas, kung mahigpit ang batas para sa mga ordinaryong Pilipino, ay dapat mas mahigpit sa mga nasa posisyon.
“The people are watching. In a democracy, asking questions is not an attack–it is an obligation of leadership to respond."