February 03, 2026

Home BALITA National

PBBM, nakapokus sa pagpapaangat ng ekonomiya—Palasyo

PBBM, nakapokus sa pagpapaangat ng ekonomiya—Palasyo
Photo courtesy: RTVM/YT


Tahasang ipinahayag ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro na nakatuon ngayon ang atensyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagpapaangat ng ekonomiya ng Pilipinas.

Sa ginanap na press briefing ng PCO nitong Martes, Pebrero 3, sinabi niya ring patuloy ang imbestigasyon hinggil sa maanomalyang flood control projects sa bansa, kasunod ang pag-iwan ng mga ito sa iba’t ibang ahensya.

“Unang-una po, noon pa po niya sinabi [na] lahat ng sangkot ay dapat mapanagot. Ang pag-iimbestiga po ay iniwan niya po sa kamay ng ICI. Ang mga dokumento na dapat aralin—kung sinong dapat kasuhan—[ay] iniwan niya na rin po sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Nandiyan din po at nangako ang Ombudsman na sila’y magpapatuloy sa pag-iimbestiga—pati po ang DOJ,” saad ni Castro.

Giit pa niya, “Nandiyan [d]in po ang patuloy na pagpapa-imbestiga sa mga maanomalyang flood control projects—pero ang nais po ng Pangulo ngayon…at natanong natin ‘to sa kaniya, ang gusto niyang tutukan ay ang pag-angat ng ekonomiya ng bansa.”

“Ang tungkol sa flood control projects, hayaan na po natin sa mga mag-iimbestiga…at kung nakasuhan na po, hayaan na po natin ‘to sa Korte at sa Sandiganbayan. At nais niya po, kapag ka po dumating ‘yong araw na magkakaroon po ng press briefing with the [Malacañang Press Corps] MPC, ang gusto niya pong tutukan at mai-discuss sa inyo ay kung paano niya maiaangat ang buhay ng Pilipino. Mas magandang pag-usapan kung ano’ng mga plano niya patungkol sa ekonomiya ng bansa,” dagdag pa niya.

Natanong din ang press officer kaugnay sa pagkakaroon ng interes ni PBBM sa isyu ng flood control, dahil tila hindi na ito nababanggit ng Pangulo.

“Definitely, interested po siya, kaya nga niya ito ibinigay ang kapangyarihan sa ICI—bilang independent body—upang matutukan ang pag-iimbestiga rito. Pati po sa DPWH, hindi po tumitigil ang DPWH na panagutin na ang dapat managot,” anang press officer.

Kaugnay rito, ikinabahala naman ng Pangulo ang posibleng epekto sa ekonomiya ng impeachment complaints na kinahaharap niya sa kasalukuyan.

“So, nababahala po ang Pangulo sa impeachment complaint na isinampa sa kaniya hindi para sa sarili niya, dahil alam niya na wala siyang ginawang mali at walang impeachable offense siyang nagawa. Pero nag-aalala siya sa epekto nito sa ekonomiya,” saad ni Castro sa hiwalay na press briefing ng PCO noong Lunes, Pebrero 2.

MAKI-BALITA: PBBM, ikinababahala epekto ng impeachment para sa ekonomiya, 'di para sa sarili–Palasyo-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA