Idiniin ng Malacañang na hindi makikialam si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung sakaling maisabatas ang panukalang “No work, no pay scheme” para sa mga mambabatas.
Kaugnay ito sa isinusulong na House Bill No. 7432 ni presidential son at House Majority Leader Sandro Marcos, na layong tiyaking nagagasta ang pondo ng bayan para sa mga opisyal na ginagawa talaga ang kanilang mga tungkulin at responsibilidad.
MAKI-BALITA: 'No work, no pay' sa mga mambabatas, isinusulong ni Rep. Sandro sa Kamara-Balita
Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes, Pebrero 3, ibinunyag ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na nagulat si PBBM nang mapag-alamang ito ay panukala ni Rep. Sandro.
“Tinanong din po natin ang Pangulo kaninang umaga patungkol po diyan at sinabi po natin na ito’y panukala ni Congressman Sandro [Marcos]. So, mukhang hindi pa po sila nag-uusap patungkol po [r]ito dahil nabigla siya na may proposal si Congressman Sandro,” saad ni Castro.
“Pero ang sabi lamang po ng Pangulo, trabaho po ‘yan ng mambabatas at hindi po siya makikialam kung ano po ang mangyayari kung ito’y magiging batas. Kung ano lang po ang ihahain sa kaniya at mababasa niya, ‘yon lamang po ang kaniyang aaralin,” dagdag pa niya.
Giit pa ng press officer, kung ito’y “generally” na pag-uusapan, maganda naman daw ang panukala—ngunit paglilinaw niya, hindi saklaw ni PBBM ang paggawa ng batas.
“Muli, ‘yon lamang po kasi ang nabanggit sa atin ng Pangulo. Pero kung pag-uusapan po in general, maganda po ito dahil po para malaman naman nila na ang mga taong hindi nagtatrabaho ay hindi naman dapat makinabang sa pondo ng bayan,” anang press officer.
“Pero muli, inuulit natin ang sinabi ng Pangulo, hindi po niya saklaw ang paggawa ng batas,” pagtatapos niya.
Vincent Gutierrez/BALITA