Naglabas ng opisyal na babala at pahayag ang Immaculate Conception Parish sa Gatchalian Subdivision sa Las Piñas City hinggil sa isang uri ng “novena” na umano’y iniiwan sa loob ng simbahan at may halong pamahiin o superstition.
Ayon sa pahayag ng parokya, na mababasa sa kaniyang opisyal na Facebook page, ang naturang “novena” ay hindi aprubado ng Simbahang Katolika dahil naglalaman ito ng paniniwalang taliwas sa tamang pananampalataya.
Partikular na binigyang-diin ng pamunuan ng parokya ang nakasulat sa likod ng papel na nag-uutos na gumawa ng “81 copies,” na ayon sa kanila ay malinaw na indikasyon ng pamahiin.
Babala ng parokya, delikado ito sa kaluluwa ng mananampalataya sa dalawang pangunahing dahilan.
Una, batay sa turo ng pananampalatayang Kristiyanong Katoliko, ang paniniwala sa pamahiin ay paglabag sa Unang Utos ng Diyos. Ayon daw sa Catechism of the Catholic Church, partikular sa Paragraph 2110, ang pag-asa o paniniwala sa superstition ay itinuturing na kasalanan.
Ikalawa, ayon umano sa mga exorcist ng Simbahan, ang paniniwala at pakikiayon sa mga pamahiin ay maaaring maging “opening” o pintuan sa tinatawag na demonic influence o demonic attachment, na maaaring makapinsala sa espiritwal na kalagayan ng isang tao.
Dahil dito, hinimok ng parokya ang mga mananampalataya na kunin at sunugin ang anumang kahalintulad na materyal na makita sa loob ng simbahan upang maiwasan ang pagkalat ng maling paniniwala.
Nilinaw rin ng Immaculate Conception Parish na hindi masama ang pagno-novena, at sa katunayan ay hinihikayat pa ito ng Simbahang Katolika bilang bahagi ng debosyon at panalangin. Gayunman, nagiging masama umano ito kapag hinahaluan ng mga paniniwala at gawain na salungat sa doktrina ng Simbahan.
Sa huli, pinaalalahanan ng parokya ang mga deboto na maging mapanuri at manatiling tapat sa mga aral ng Simbahan, at huwag basta-basta maniwala o magpasa ng mga panalangin na walang malinaw na pinagmulan at basbas ng Simbahan.
"Hindi po masama ang mag novena; hinihikayat pa po ito ng ating Simbahan. Pero kung hahaluan po ito ng mga paniniwala at bagay na labag sa ating pananamapalataya, ito po ay nagiging masama," anila.