Sabi ng nakararami, normal naman daw sa mag-asawa na magtalo, dahil parte na raw ito ng bawat relasyon. Pero dumating na ba kayo sa puntong malala ang naging pag-aaway ninyo dahil lamang sa napakaliit na bagay?
Ito ang himutok ng isang 34-anyos na babae, matapos siyang sermunan ng kaniyang asawa dahil bumili siya ng isang bote ng tubig na aabot sa halagang ₱200 ang isa.
Ayon sa ibinahaging istorya ng babae sa pahinang “Ambenture Y Stories,” nangyari daw ito nang sila ay magkakasama ng kaniyang asawa at ang isa nilang anak na lalaki sa bakasyon.
“Ang hirap pag housewife kalang at ang asawa mo lagi ang gumagastos lahat. Kasama ko ngayon ang asawa ko na si Paul (Architect) at ang anak naming lalaki. Nandito kami sa Cebu for a short vacation, 4 days, 3 nights lang sana. Gusto lang namin mag-relax, mag-enjoy at mag-reset bilang mag-asawa,” saad niya.
“At hanggang ngayon, hindi pa rin niya ako kinakausap. Second day pa lang namin today, and honestly, hindi ko na alam kung ano ang next issue namin. Last night, nagdinner kami sa isang 5star hotel. Umorder kami ng tuna belly, calamari, pochero, then iced tea at bottled water. Yes, mahal ₱200 ang bawat bote ng tubig pero pagod kami at gutom, so need talaga naming uminom ng water,” dagdag pa niya.
Paglilinaw ni sender, may hika raw siya, kung kaya’t kailangan niya ng tubig—lalo kung siya ay pagod o kung kakain ng maalat na pagkain.
“This is not a habit, it’s a health thing,” aniya.
“Habang kumakain kami, naubos ko agad yung tubig, so umorder ulit ako. Simple lang. Sakto naman na pagkaorder ko pumunta sa CR ang asawa ko. Pagbalik ni Paul galing CR, andun na yung bagong bottled water sa mesa. Bigla siyang tumahimik. Hindi niya nirefill yung baso niya. Hindi siya uminom. Kumain lang siya na parang may iniipong inis,” pagkukuwento niya.
Pagpapatuloy niya, “After dessert, may konting tubig pang natira. Tinanong niya ako, ‘Uubusin mo pa ba ‘yan?’ Sabi ko, ‘Hindi na. Busog na ako.’ Doon na siya nagalit. Bakit daw ako umorder ng water kung hindi ko naman uubusin lahat. Sayang daw ang pera ₱200 pa naman daw yun. Parang wala raw akong pakialam sa gastos.”
Biro pa ng mister niya, halos kasingmahal na raw ng pampuno ng swimming pool ang nagastos niya sa pagbili ng bottled water.
“I stayed calm and told him, ‘If we can pay thousands for food, why we can't afford water?’ Pero hindi pa rin siya tumigil. Sabi niya dapat nagtanong muna ako bago umorder kung gusto pa daw niya uminom. Hindi ako nag-walk out pero gusto ko ng ibuhos sa kanya yung natitirang water,” kuwento ng babae.
Aniya pa, “Pero malinaw sa akin ang isang bagay hindi ako papayag na iparamdam sa akin na may kasalanan ako dahil lang uminom ako ng tubig. Bakasyon dapat ‘to. Pero first night pa lang, parang sinusukat na kung hanggang saan ako pwedeng mauhaw nang hindi nagiging problema. Tubig lang ‘yan. Pero kung pati uhaw ko kailangan ko munang ipagpaalam, hindi tubig ang tunay na issue dito. Ugali ng asawa ko.”
Ngitngit ni sender, hindi pa rin siya pinapansin ng mister niyang arkitekto na aniya’y kuripot—at kada siya ay kikilos, tila mang-aasar ito na magtatanong kung gusto raw ba niya ng tubig.
Talak pa niya, kapag siya raw ay nabuwisit, kukuhain niya raw ang pera ng kaniyang asawa sabay sibat papuntang Maynila.
Habang isinusulat ang artikulong ito, umabot na sa 2.2k reactions, 146 shares, at 805 comments ang nabanggit na confession ni sender.
—
Disclaimer: Bagama’t ang kuwentong ito ay inaako ng may-akda na mula umano sa tunay na pangyayari, hindi maaaring kumpirmahin o itanggi ng Balita ang katotohanan sa mga detalye at impormasyong nakasaad dito.
Vincent Gutierrez/BALITA