February 03, 2026

Home FEATURES BALITAnaw

Kilalanin: Si Marcelo Lagmay, ang dating punong patnugot ng Balita

Kilalanin: Si Marcelo Lagmay, ang dating punong patnugot ng Balita

"Naging bahagi ng aking buhay ang Balita sapagkat wala akong alam na propesyon kundi journalism."

Sa likod ng bawat balita at kuwentong binabasa ng publiko, mula sa unang pahina ng pahayagan hanggang sa pinakahuling linya ng talata, nakatindig ang isang kuwentong hindi nalalaman ng iba: ang kuwento ng punong patnugot.

Sa mahigit 50 taon ng Balita sa larangan ng journalismo, ilang mga editor na rin ang buong-loob na tumindig, nag-alay ng kanilang panahon, at nag-iwan ng bakas ng paglilingkod sa pahayagang ito–kabilang na si Marcelo Lagmay, o mas kilala bilang “Celo Lagmay.”

Si Lagmay, 88, ay naging editorial writer ng isang pahayagan at naging Malacañang reporter noong panahon ng Martial Law sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., sinubaybayan at iniulat niya ang mga kaganapan sa pamahalaan.

BALITAnaw

Mga ulo ng Balita na gumulantang sa buong bansa sa loob ng 13 taon

Nang matapos ang Martial Law noong 1986, kinuha siya bilang managing editor ng Balita. Hindi nagtagal, 1987, ay itinalaga siya bilang editor-in-chief ng pahayagan.

Sa aking eksklusibong panayam kay Lagmay, sinabi niyang kinailangan niyang bitawan ang posisyong ito nang siya’y ipahiram ni Don Emilio Yap sa Malacañang sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Fidel Ramos. Kalaunan nama’y ibinalik din siya sa Balita bilang editor-in-chief pa rin.

Isa raw sa hindi niya malilimutan sa kaniyang panunungkulan bilang editor-in-chief ay ang pagharap niya sa maraming kaso ng libel noon. Ayon sa kaniya, kapag idinemanda ang isang reporter, siya ay damay. Gayunpaman, pinanatili niya raw ang mataas na kalidad ng isang pahayagan. 

Minahal at pinanatili ko ‘yong mataas na kalidad ng isang peryodiko at naka-angkla sa aking pagpapahalaga sa Kalayaan sa Pagpapahayag o Press Freedom. Bagama’t sa kabila no’n marami akong libel case na kagagawan ng ating reporter, para akong bawang dahil kapag idinemanda ‘yong reporter, kasama ako,” ani Lagmay. 

“Hinarap ko ang lahat ng ‘yon. Naranasan ko ‘yang series of libel cases which are natural for every newspaper. May kasabihan nga na kapag wala kang libel cases, hindi ka pa made as a member of media,” dagdag pa niya.

Pagbabahagi pa ng dating editor-in-chief, nagsulat din siya noon ng editoryal at naglabas ng kolum na “Sentido Kumon” (common sense) sa Balita. 

Natapos ang kaniyang panunungkulan bilang editor-in-chief nang maabot niya ang retirement age na 60 taong gulang. Sa kabila nito, ipinagpatuloy niya ang pagsusulat bilang kolumnista hanggang taong 2021.

Sa kasalukuyan, tila tahimik na ang buhay ni Lagmay. Aniya, gumawa siya ng parang bukid sa parte ng bahay niya kung saan bumibisita ang iba pang mga mamamahayag na kasabayan niya at mga retiro na rin. 

‘Ika pa niya, gumagamit na rin daw siya ng baston tuwing naglalakad at mahina na rin ang kaniyang paningin. Kahit na gano’n, hindi niya raw malilimutan ang Balita na naging bahagi na ng kaniyang buhay.

“Gustuhin ko man magbasa pa ng Balita pero mahina na paningin ko. Kahit na gano’n hindi ko malilimutan ang ating pahayagan, na naging na bahagi ng aking buhay sapagkat wala akong alam na propesyon kundi journalism,” ani Lagmay. 

Isa rin sa mga mensahe niya bilang bahagi ng ika-126 anibersaryo ng Manila Bulletin; kahit mag-retire, hindi dapat mamahinga ang pahayagan. Ito raw ang pinaka epektibong paraan upang maparating sa mga tao ang mahahalagang Balita.

“Kahit mag-retire, hindi dapat mamahinga ang ating pahayagan, kailangan tuloy-tuloy ‘yan. Sapagkat ‘yan ang pinaka-effective o isang behikulo na nagpaparating sa ating mga kababayan ng mahahalagang Balita na dapat nilang malaman,” aniya.

“Kahit online tayo ay hangad ko na magtuloy-tuloy dahil ‘yon ang importante–‘yong mahahalagang impormasyon ay mahalagang malaman ng ating mga kababayan sa patuloy na paglalathala ng ating pahayagan.”

Samantala, hindi rin aniya malilimutan si Don Emilio, na siyang unang nagtiwala sa kaniya.