Pinabulaanan ng dating aktor na si Eddie Gutierrez ang mga kumakalat na impormasyon hinggil sa umano’y pagpanaw niya.
Sa isang Facebook post na ibinahagi ng kaniyang anak na si Ruffa Gutierrez noong Martes, Pebrero 2, mapapanood ang isang “pre-birthday message” ni Eddie, kung saan nilinaw niya ang nasabing isyu.
“Ako po si Eddie Gutierrez. Mayroon kasing kumakalat na fake news. Alam n’yo usong-uso ang fake news ngayon—na ako’y sumakabilang-buhay na,” panimula ni Eddie.
Giit niya, “Hindi po totoo ‘yon, buhay na buhay po ako. I’m still alive and kicking! Hindi pa ako namamatay. Binigyan pa ako ng Panginoon ng mga ilang taon.”
Pinasalamatan din ni Eddie ang kaniyang misis na si Annabelle Rama, pati ang kanilang mga anak, kasabay ng kaniyang kaarawan sa darating na Biyernes, Pebrero 6.
“I’ll be turning 84 on February 6, at ako’y nagpapasalamat na nandito ang aking asawa [na] si Annabelle Rama—na kung ‘di dahil sa kaniya, baka maging totoo ‘yan[g] chismis na ‘yan,” ani Eddie.
Aniya pa, “At [ang] mga anak ko [na sila] si Ruffa, si Richard, si Raymond, si Elvis, si Rocky, Richie Paul, Monching, Tonton. Lahat ho sila ay ang nagbibigay sa akin ng saya—at lalong-lalo na ang aking mga apo na kasama ko [r]ito sa bahay.”
Ipinaabot din ng dating aktor ang kaniyang pasasalamat sa mga nagdasal para sa pagbuti ng kaniyang kalagayan.
“So, huwag po kayong maniniwala [na patay na ako.] Buhay na buhay po ako. Sa mga nagdasal, sa lahat ng mga tagahanga ko na mga senior citizen—na hanggang ngayon [ay] nandiyan pa, huwag ho kayong mag-worry. Buhay na buhay po ako. Maraming salamat sa mga dasal ninyo,” pagtatapos niya.
Matatandaang kamakailan, kinumpirma ni Ruffa na muling sumailalim ang kaniyang ama sa isang operasyon sa Singapore.
Dito ay iniulat niya rin ang pagbuti ng kalagayan ni Eddie.
MAKI-BALITA: Ruffa Gutierrez, kinumpirmang sasailalim muli sa operasyon si Eddie Gutierrez-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA