February 03, 2026

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Umiiyak na pasahero, binigyan ng 'random message' ng nakasakayang estranghero!

#BalitaExclusives: Umiiyak na pasahero, binigyan ng 'random message' ng nakasakayang estranghero!
Photo courtesy: Narvic Vale Gianan/FB

"Magiging okay ang lahat!"

Sa gitna ng mahabang biyahe at mabigat na pakiramdam, minsan, sapat na ang isang munting kilos upang gumaan ang loob, lalo na kung mula ito sa isang hindi inaasahang pagkakataon, at nagmula pa sa isang estranghero.

Ito ang karanasan ng isang pasaherong bumiyahe mula Parañaque Integrated Terminal Exchange** (PITX) patungong SM Fairview, isang ordinaryong ruta na nauwi sa hindi inaasahang alaala ng kabutihan.

Batay sa viral Facebook post ni "Narvic Vale Gianan" noong Enero 27, 2025, 34-anyos, mula sa Payatas, Quezon City, mag-isa siyang nakaupo sa isang pantatluhang upuan sa loob ng bus nang may umupong binatilyong lalaki sa kaniyang tabi, na hindi niya tiyak kung estudyante o young professional.

Human-Interest

ALAMIN: Mga paniniwalang Pinoy sa mga kasal

Tahimik ang biyahe. Sa bintana lamang siya nakatanaw habang pilit pinipigilan ang pagpatak ng luha, paulit-ulit na pinupunasan ng bimpo ang mga pisngi upang hindi mahalata.

"Sumakay ako ng BUS sa PITX byahe papuntang SM Fairview. Mag isa ako sa tatluhang upuan, then may tumabi sakin na isang binatilyong lalaki. ( Di ko alam kung estudyante or young pro na e). Habang bumabyahe, nakasilip lang ako sa may bintana, tumutulo yung luha ko kahit ilang beses kong pinipigilan. Kumuha na nga ako ng bimpo e para lang mapunasan ko kaagad," aniya.

Bandang Quiapo na nang may inilabas na papel at ballpen ang binatilyo. Sa una’y inakala niyang nagdo-drowing lamang ito. Hirap pa raw magsulat ang binata dahil umaandar ang sasakyan; tuwing hihinto ang bus, saka lamang siya sumusulat—parang may binubuong mahalaga.

"Nasa bandang pa Quiapo na nung naglabas yung bata ng papel at ballpen. Pumunit sya ng piraso at nagsulat. Ang akala ko ay gumuguhit lang sya. Di ko pinapansin kase nga di ko naman sya kilala. Nahihirapan pa sya kase umaandar yung sasakyan kaya pag hihinto yung sasakyan, doon sya nagkaroon ng pagkakataon magsulat," saad niya.

Pagdating daw sa Welcome Rotonda, boundary ng Maynila at Quezon City, tinupi na ng binatilyo ang papel at halatang hindi mapakali. Malapit na pala siyang bumaba. Nang marating ang isang simbahan, iniabot daw sa kaniya nito ang nakatuping papel.

"Nang makarating na sa Welcome Rotonda, tinupi na nya yung papel at tila bagang di na sya mapakali. Ayun pala ay malapit na syang bumaba. Nung marating na yung Sto. Domingo Church, kinalabit nya ako at binigay ang papel at saka sya tumayo para bumaba sa sasakyan. Nakasaad sa sulat, 'Open.'"

Binasa raw niya ang nakalagay sa loob ng papel.

"'Hindi man kilala personal, pero naniniwala ako sayo! Magiging okay ang lahat!'— Kuyang Pasahero sa BUS (01.27.2026)," saad dito.

Hindi man nagtagal ang kanilang pagkikita, tumimo ang mensahe. Isang maliit na effort na may bigat ng pagdamay—patunay na may mga taong handang magbigay-lakas ng loob kahit sa mga hindi nila kilala. Walang palitan ng pangalan, walang pagkakataong sumagot, ngunit malinaw ang pasasalamat.

Sa huli, nanatili ang pag-asang sana’y makarating sa binatilyong iyon ang pasasalamat niya.

"Na-appreciate ko lang. May mga tao pa palang kahit di ko naman kilala, pero may puso para magpagaan ng nararamdaman. Maliit na effort pero nakakataba ng puso," aniya.

"Di ko man nakuha yung pangalan mo, di ako nakapag reply sa sulat mo. Ngunit nagpapasalamat ako sa effort mo. Saludo sayo! God bless your heart, Kuys!"

"Sana makaabot sayo itong pasasalamat ko," dagdag pa.

Sa comment section naman, umani ito ng iba't ibang reaksiyon at komento mula sa mga netizen. May mga nagbahaging naranasan na rin nila ang ganito mula sa mga nakasakay na kapwa pasahero.

"I don’t know you personally but yeah.. yung mga simpleng bagay na gaya ng ganito ang nagpapatibay lalo satin.. kaya lalaban pa din tayo.."

"Almost the same yung experience ko way back 2014. Habang nasa bus ako pabalik ng maynila, Galing ako batangas,binisita ko lola ko,at dun lng nila sinabi sakin n nasa late stage n sya ng colon cancer nya. Habang nasa bus pinipigil ko umiyak,

Pero kusa tlg sya pumapatak. May matandang babae,maybe on her late 50's ang naka kita sakin.tinabihan nya ko. Tinanong what happen,bakit ako umi iyak,if ok lng ako. She ever give me bottled water. N ubos tissue ko kaka iyak,binigay nya sakin yung panyo nya... Nilagay nya ulo ko sa balikat nya,at sabi nya cge lng iyak k lng iho...habang hina hagod nya yung ulo at balikat ko."

"Me pag nakakatanggap ng pag comfort kagaya nyan,lalo ako naiiyak,iba kasi impact nyan kapag nasa kalagitnaan kana ng kahinaan,tapos biglang may mag comfort sayo kahit sa salita lang,nakakagaan ng pakiramdam."

"Naniniwala akong ang Anghel minsan nasa lupa kasama lang natin. Ganyan din po ako minsan."

"Almost the same experience but not totally the same. Galing ako sa rehearsal that time, and sakto pa talaga na i've been struggling with some problems. Habang nag iikot naman ako sa chapel, may nakita akong papel, and nakasulat din na open, tas nakalagay naman si likod ng papel 'Jesus Loves You.' Share ko lang!"

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Narvic, sinabi niyang isa siyang manager ng property investment sa isang kilalang real estate developer.

Nang mga sandaling umiiyak siya habang nasa biyahe ay may pinagdaraanan daw siya.

"To be honest, umiiyak ako that time kasi may pinagdadaanan yung puso ko," aniya.

"I feel na wala akong value sa taong pinahalagahan ko and some parts din yung PITX, maraming memories with someone na sobrang pinahalagahan ko."

Kaya laking bagay raw ang ginawang akto ng nabanggit na estranghero. Kung mabibigyan ng pagkakataon, gusto raw niyang makilala ang estrangherong ito upang personal na makapagpasalamat.

Umaasa raw siya na sa pamamagitan ng social media post niya, na nag-viral na nga, gayundin ang pagtatampok ng Balita rito, ay makarating ito sa kay "Kuyang Pasahero."

"Gusto ko sya yakapin at magpasalamat ng personal. Gusto ko sabihin na malaking tulong yung ginawa nya para mapagaan yung nararamdaman ko na sobrang bigat," aniya.

"Kapag nakita ko siya, maaalala ko yung mukha niya. Fresh pa sa isip ko yung itsura niya eh," dagdag pa niya.

Habang isinusulat ang artikulong ay umabot na sa 6.6k reactions, 630 shares, at 75 comments ang nabanggit na post.

"Sino at saan ka man kuya, gusto kita ma-meet ulit. Heart ka sakin!" pahabol pa niya.

Ikaw Ka-Balita, may na-experience ka na bang ganito?