Sa panahong ang edukasyon ay lalong sinusubok ng kakulangan sa kagamitan, koneksiyon, at oportunidad, may mga gurong hindi sumusuko—mga gurong pinipiling umaksyon kaysa manahimik.
Isa sa kanila si Teacher Melanie Reyes Figueroa mula sa Iligan City, at guro ng Araling Panlipunan sa Grade 10 sa Hinaplanon National High School.
Ilang beses nang naitampok sa Balita ang mga adbokasiya ni Teacher Melanie; mga kuwentong hindi lamang nagbigay-hugis at liwanag sa kaniyang mga kawanggawa kundi nagbukas din ng mas malawak na suporta at sari-saring oportunidad.
Dahil dito, buong-pusong pinasalamatan ng guro ang Balita at ang Manila Bulletin sa pagbibigay sa kaniya ng platapormang magpahayag at makapaghatid ng inspirasyon.
Laptop para sa Pangarap
Isa ang laptop sa pinaka-in-demand na gadget para sa online class para sa pagtuturo man o pagkatuto, lalo na noong kasagsagan ng pandemya. Ngunit paano kung wala nito ang isang mag-aaral? Paano kung walang pambili?
Ito ang tanong na sinikap sagutin ni Teacher Melanie nang maging viral ang kaniyang Facebook post noong 2021 kung saan binigyan niya ng laptop ang isa sa mga “karapat-dapat” niyang mag-aaral upang magamit sa online class.
“Every great dream begins with a dreamer,” panimula ni Ma’am Melanie sa kaniyang post, hango sa pahayag ng aktibistang si Harriet Tubman.
Hindi man magarbo, ang simpleng kilos na ito ay naging simbolo ng pag-asa; at patunay na may mga gurong handang magsakripisyo para sa pangarap ng kanilang mga estudyante.
Ayon sa guro, labis ang pasasalamat at emosyon ng kaniyang mag-aaral. Mapalad din umano siya dahil sa mga kaibigan, personal man o sa social media, na agad tumutugon sa tuwing siya ay nananawagan ng tulong online. Ito ang unang naitampok sa kaniya sa Balita, na talaga namang umani ng positibong reaksiyon sa mga netizen, at marami sa kanila ang nagpaabot ng tulong para mas magawa ni Teacher Melanie ang pagtulong sa mga mag-aaral.
Adopt-a-Student: Kaagapay sa Pangarap
Bukod sa “Laptop para sa Pangarap,” muling naitampok si Teacher Melanie sa Balita dahil sa pagtupad sa Christmas wish ng piling mag-aaral at sa pagtulong sa isang estudyanteng naulila sa ina matapos magsilang.
Sa paglapit ng pasukan sa mga pampublikong paaralan, muli siyang naging aktibo sa proyektong “Adopt-a-Student: Kaagapay sa Pangarap.”
Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Teacher Melanie na nagsimula siyang mamigay ng learning kits at school uniforms sa mga piling mag-aaral. Matagal na niyang ginagawa ang “Adopt-a-Student,” ngunit pansamantalang nahinto lamang noong kasagsagan ng pandemya.
Dahil dito, tinawag siyang “Teacher Santa” dahil sa pagiging instrumento upang mapasaya ang mga mag-aaral sa araw ng Pasko, na parang si Santa Claus.
Parangal na “Ordinary People Doing Extraordinary Act”
Dahil sa kaniyang walang sawang adbokasiya at napansin na rin ng mainstream at social media, ginawaran si Teacher Melanie ng Office of the Ombudsman sa Northern Mindanao ng “Ordinary People Doing Extraordinary Act” Award para sa HIP o Honesty, Integrity and Public Accountability, noong 2025.
Ayon sa guro, nakatanggap siya ng tawag mula sa nasabing tanggapan upang alamin kung paano niya isinasagawa ang “Adopt-a-Student.” Lahat ng gastusin ng mga awardee ay sinagot ng opisina, kabilang ang biyahe patungong Maynila para sa awarding ceremony—isang karanasang hindi niya malilimutan.
Mga Pangarap na Hindi Nagtatapos Kahit Magretiro
Hindi rito nagtatapos ang mga plano ni Teacher Melanie. Nang matanong siya ng Balita kung ano pa ang mga plano niya matapos makatanggap ng parangal, kabilang aniya sa mga nais pa niyang isulong ang oral hygiene program o pagpapadentista sa mga batang may problema sa ngipin.
Para sa kaniya, ang maayos na ngipin ay hindi lamang usaping pangkalusugan—ito ay nagbibigay-kumpiyansa sa mga bata upang ngumiti at mangarap nang mas mataas.
Nais din niyang ipagpatuloy ang pamimigay ng sapatos sa mga mag-aaral na walang magamit sa pagpasok.
Ipinahayag din niyang sana raw, mapansin ng Department of Education (DepEd) ang kaniyang mga adbokasiya upang mas mapalawak pa ang mga oportunidad para sa mas maraming bata, sa pamamagitan ng pagtatampok ng Balita sa kaniya at sa kaniyang mga gawain.
Kahit hanggang sa kaniyang pagreretiro, tiniyak ni Teacher Melanie na ipagpapatuloy niya ang paglilingkod—sa simpleng paraan ngunit may ekstraordinaryong epekto sa buhay ng mga batang Pilipino.
Bayaning Guro Award
Isa pang pagkilala ang natanggap niya noong 2025 kung saan hinirang siyang “Bayaning Guro” sa isinagawang paligsahan ng kilalang book at school supplies store, na naglalayong bigyang-pugay ang mga guro sa Pilipinas, sa pamamagitan ng voting system.
Isa siya sa mga finalist na nakakuha ng pinakamaraming boto, kaya naman nakatanggap siya ng cash prize, gift certificate, at siyempre, ang titulong “Bayaning Guro.”
Sa mensahe niya sa mga bumoto at naniwala sa kaniya, sinabi niya, “Malaki ang pasasalamat ko sa lahat ng mga bumoto—mga kakilala at mga on-the-spot na pinili po ako kahit hindi nila ako kilala. Ang victory na ito ay para sa ating lahat, lalo na sa mga kapwa ko guro—manatili po tayong bukas sa pangangailangan ng mga mag-aaral.”
ABS-CBN 2025 Christmas Station ID
Bunga ng kaniyang inspirasyong kuwento, napili rin siyang mapabilang sa ABS-CBN 2025 Christmas Station ID na may temang “Love, Joy, Hope: Sabay Tayo Ngayong Pasko.” Isang karanasang aniya’y hinding-hindi niya malilimutan dahil nakasama niya ang mga sikat na artista at celebrity, na ni sa hinagap daw, hindi niya naisip na makakasalamuha niya.
Be a Santa and Grant a Wish
Hanggang ngayon, tuloy-tuloy pa rin ang kaniyang adbokasiya. Nitong nakaraang Pasko, isinagawa niya ang “Be a Santa and Grant a Wish” outreach program para sa mga estudyanteng higit na nangangailangan.
Mensahe ni Teacher Melanie
Kaya naman, nag-iwan ng mensahe si Teacher Melanie para sa Balita at Manila Bulletin.
“Malugod na pagbati sa Manila Bulletin at Balita sa pagdiriwang ng isa na namang anibersaryo. Sa loob ng maraming dekada ay patuloy kayong naghahatid ng makabuluhang balita na gumigising sa kamalayan ng mga mamamayang Pilipino.”
“Mabuhay at sana ay mas marami pang taong paglilingkod sa sambayanang Pilipino,” aniya.
Patunay si Teacher Melanie na ang pagiging guro ay hindi lamang propesyon, kundi isang bokasyon at habambuhay na misyon.