Ibinahagi sa publiko ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla na tila nadamay lang sa krimen at pamamaslang ang anak ng pinatay na policewoman na si Senior M/Sgt. Diane Marie Mollenido.
Ayon sa isinagawang press conference ni Remulla sa Camp Crame nitong Martes, Pebrero 3, 2026, sinabi niyang sinama lang daw ni Diane ang kaniyang anak na si John Ysmael patungo sana sa transaksyon nila sa mga suspek na sina Pia Katrina Panganiban at asawa nitong si Christian Suarez Panganiban.
“Kasi pinatay na ‘yong nanay, [nandoon] ‘yong bata,” pagsisimula niya, “Hindi naman dapat kasama talaga ‘yong bata sa transaksyon, e. Binitbit lang no’ng nanay.”
Ani Remulla, tila raw nakaplano na talagang patayin ng mga nasabing suspek si Diane at nadawit din sa krimen ang anak nito.
“Parang nakaplano na talaga na papatayin ‘yong nanay, pinatay na rin ‘yong bata,” aniya.
Pagbabahagi naman ni Remulla, kasalukuyang nasa under protective custody na ang asawa ni Diane na si John Mollenido.
“Under protective custody detention ngayon ‘yong asawa. Pero ang lumalabas talaga, ‘yong mag-asawa talaga ang gumawa. Tinitingnan namin kung ano ang involvement ng asawa dito,” saad niya.
Bago nito, nauna nang isalaysay ni Remulla na unang nireport sa mga awtoridad sa Quezon City ang pagkawala ni Diane at anak nitong si Ysmael noong Enero 16, 2026.
Matapos nito, magkahiwalay na natagpuan ang bangkay ni Diane sa sa probinsya ng Bulacan noong Enero 24, 2026, at labi ni John Ysmael sa probinsya ng Tarlac noong Enero 29, 2026.
Ayon kay Remulla, inaanak ni Diane sa kasal ang mga suspek na sina Pia at Christian, kasama ang umano’y “accomplice” nilang si Gil Valdemoro, Jr.
Pagbabahagi ni Remulla, transaksyon sa isang sasakyang Toyota Innova na nagkakahalagang ₱450,000 ang ugat ng nasabing krimen.
Paglilinaw ni Remulla, nalaman daw nila sa imbestigasyon na sa bahay nina Pia at Christian pinaslang ang mag-inang sina Diane at John Ysmael.
Gunshot wound umano ang sanhi ng pagkamatay ni Diane habang ginapos sa pamamagitan ng plastic bag ang ulo ni John Ysmael at saka sinakal hanggang sa mawalan ito ng buhay.
Matapos nito, inanunsyo sa publiko ni Remulla na “case-closed” na ang nasabing krimen sa pamamaslang kina Diane at anak nitong si John Ysmael at tiniyak niyang masasampahan ng kaso ang mga nasabing suspek.
Mc Vincent Mirabuna/Balita