Binasag na ng Kapuso actress na si Kris Bernal ang kaniyang katahimikan kaugnay sa pagsusuot ng uniporme ng kaniyang helpers.
Ito ay matapos magkomento ang isang netizen na sana ay pinagbihis man lang daw ni Kris ang kaniyang kasambahay bago sila lumabas ng bahay.
Sa isang video na ibinahagi ni Kris sa kaniyang social media page kamakailan, sinabi niya na sila ay nagtatanong muna kung ano nga ba ang gusto ng kasambahay pagdating sa kanilang susuotin.
“Alam n’yo, bago sila pumasok dito, tinatanong namin sila: ‘Gusto mo ba ng uniform o ayaw mo?’ Karamihan, sa halos lahat ng mga naging kasambahay namin, gusto nila may uniform. So, binibigyan namin sila ng uniform,” saad ni Kris.
Giit niya, “Ngayon, choice nila ‘yan ‘pag lalabas. Tinatanong din namin sila: ‘Lalabas tayo, gusto mo bang magpalit, ganyan.’ Alam n’yo, ‘di ko alam bakit ayaw nilang magpalit. Puwede naman silang mag-dress, puwede silang mag-spaghetti strap, gusto n’yo mag-tanga pa sila… Ayaw talaga nilang magpalit.”
“So ano’ng gusto n’yo, pilitin ko sila? ‘Yong magmakaawa ako, ‘sige na ate, magpalit ka kasi maba-bash ako, aawayin nila ako, magpalit ka parang awa mo na, magpalit ka nang casual…’ Alangan namang ganunin ko pa? Alangang pilitin ko ‘yong tao e ayaw nga nila magpalit?” dagdag pa niya.
Idiniin din ni Kris ang pamba-bash ng netizens sa kaniya, na tila siya lang daw ang kaisa-isang tao sa mundo na may helpers na naka-uniporme.
Sa naturang video, tinawag ni Kris ang kaniyang helper na si “Ate Tina” upang ipaliwanag mismo ang usapan nila patungkol sa pagsusuot ng uniporme.
“Okay lang sa amin, talagang kami ‘yong may gusto na mag-uniform—wala nang palit-palit kasi diretso na,” anang helper.
Giit pa nito, ayaw na raw nila ng dagdag-oras para magbihis, kung kaya’t pinipili nilang magsuot ng uniporme.
Hindi naman napigilan ng netizens na ibahagi ang kanilang sentimyento kaugnay sa nasabing usapin.
“It doesn't give less persona or image to a person whether naka uniform or naka casual.. What's important is they do their job no matter how they look.... People nowadays are very pessimistic... Spread positivity instead..”
“Kahit mainit ulo maganda padin. Ahhhahahahah dedma sa mga bashers”
“Mas neat & clean po tignan pag naka uniformtsaka bawas labahin din hahahaha”
“Gànda kaya naka úníform”
“Hahahaha trueee naging Yaya Rin poko mas gusto ko naka uniform kahit naka labas”
“Mas ok kaya ang mag uniform mas pormal pa”
Sa mga kaugnay na ulat, matatandaang nakadaupang-palad ni Kris kamakailan ang dating loveteam na si Aljur Abrenica, matapos magtagpo sa set ng “TiktoClock.”
KAUGNAY NA BALITA: 'Ang cute pa rin!' AJ Raval 'fangirl' sa ex-loveteam na si Aljur at Kris Bernal
Napaulat din ang pagbabahagi niya ng kaniyang journey bilang isang “breastfeeding mom.”
“This has been the hardest part of motherhood so far. It taught me patience, resilience, and the unspoken bond between a mother and her child,” saad ni Kris sa kaniyang post.
MAKI-BALITA: 'Hardest part of motherhood so far!' Kris Bernal ibinahagi 'breastfeeding' journey niya
Vincent Gutierrez/BALITA