Hinimok ni Navotas Rep. Toby Tiangco nitong Linggo ang National Bureau of Investigation (NBI) na magpadala ng isang senior delegation sa punong tanggapan ng International Criminal Police Organization (Interpol) upang personal na i-follow up ang kahilingan para sa red notice laban kay dating mambabatas Zaldy Co.
Ayon kay Tiangco, hanggang ngayon ay wala pa ring tugon ang Interpol sa request na isinumite noong Nobyembre 23, 2025, kahit karaniwang umaabot lamang ng tatlo hanggang apat na linggo ang paglabas ng sagot.
Dahil dito, sinabi ni Tiangco na kinakailangan na ang direktang aksyon mula sa NBI.
“Nakakalungkot dahil ang NBI mismo ay aminado na hindi nila alam kung bakit hanggang ngayon wala pa ring sagot ang Interpol sa ating request for red notice para kay Zaldy Co,” ayon kay Tiangco sa isang pahayag.
Binigyang-diin niya na kritikal ang naturang pagkaantala at nagbabala na kung walang red notice, malaya pa ring makakagalaw si Co at maaari umanong makaiwas sa mga kasong isinampa laban sa kanya.
Si Co ay nahaharap sa mga kasong corruption at malversation kaugnay ng umano’y ₱289.5-milyong anomalous road dike project sa Oriental Mindoro. Nahaharap din siya sa mga reklamong plunder na inihain ng NBI.
Batay sa pinakahuling ulat, lumagda umano si Co sa isang petisyon sa harap ng isang notary public sa Nacka, Stockholm, Sweden noong Enero 15.
Ayon kay Tiangco, makatutulong ang red notice upang malimitahan ang galaw ni Co at upang masubaybayan at mamonitor ng mga awtoridad ang kanyang kinaroroonan.
“Maging proactive sana tayo. ‘Pag nakita nating hindi na gumagana ang normal na mga tawag at email follow-ups, tayo na ang gumawa ng paraan para makakuha ng sagot sa ating request,” dagdag ni Tiangco.