Itinaas ng isang Pinoy PNP (Philippine National Police) personnel ang karangalan ng bansa sa United Arab Emirates (UAE) nang makatapos ito bilang “Top 1” sa International Police Exchange Program sa Abu Dhabi Police College kamakailan.
Ang nasabing PNP personnel ay kinilalang si PMAJ Inar Vic Florece ng Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO).
Tinanggap ni Florece ang nasabing pagkilala noong Huwebes, Enero 29, kung saan ang graduation rites ay pinangunahan ng United Arab Emirates Ministry of Interior (UAE MOI) sa pakikipagtulungan sa International Association of Chiefs of Police (IACP).
Ang seremonya ay dinaluhan din ng ilang matataas na opisyal ng UAE tulad nina Sheikh Khaled bin Mohamed bin Zayed Al Nahyan, at Sheikh Saif bin Zayed Al Nahyan.
Sa nasabi ring programa, naungusan ni Florece ang 52 iba pang opisyal mula sa 35 bansa.
Ang International Police Exchange Program ay isang Level 4 Post-Secondary Qualification sa Advanced Police Science na ginawaran ng parangal ng Security Qualification Center of the UAE MOI.
Kung saan, layon nitong mas paigitingin ang katatagan ng mga personnel sa modern policing, leadership, at international cooperation sa implementasyon ng batas.
Sean Antonio/BALITA