Isang tahimik na hapon ng pag-asa at panalangin ang biglang nauwi sa pagkabigla sa Minor Basilica of Our Lady of Manaoag, matapos bumuwal ang isang malaking puno ng akasya sa blessing area malapit sa Gate 5, pasado 5:00 ng hapon noong Enero 29, 2026.
Ayon sa mga nakasaksi, nakapila pa lamang ang mga sasakyan para sa basbas nang biglang gumuho ang puno—tila isang iglap na nagpabago sa takbo ng mga pangyayari.
Apat na mamahaling mga sasakyan ang nadaganan: isang commuter van at isang bagong biling SUV ang malubhang napuruhan, habang dalawang SUV naman ang nagtamo ng minor na pinsala, ayon na rin sa post na mababasa sa Facebook page ng Municipality of Manaoag.
Matagal nang paniniwala ng maraming Pilipino na ang pagpapabasbas o pagpapa-blessing ng mga bagong sasakyan sa Manaoag, kagaya rin sa National Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage sa Antipolo, ay nagsisilbing panangga laban sa disgrasya at malas sa biyahe.
Subalit masaklap na sinapit ng apat na sasakyang ito, na bago pa man mabendisyunan ng pari, ay inabot na ng isang di-inaasahang pangyayari.
Agad na rumesponde at nagtulung-tulong ang Manaoag PNP, Bureau of Fire Protection, at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office upang tiyakin ang kaligtasan ng mga nasa paligid at magsagawa ng clearing operations.
Mabilis na na-secure ang lugar upang maiwasan ang karagdagang pinsala.
Personal ding nagtungo sa pinangyarihan ng insidente si Mayor Jeremy Agerico “Doc Ming” B. Rosario upang suriin ang sitwasyon at makipag-ugnayan sa mga apektadong indibidwal.
Samantala, tiniyak ng pamunuan ng basilika na makikipag-ugnayan sila sa mga may-ari ng nasirang sasakyan at magbibigay ng kaukulang tulong.
Hindi naman tinukoy sa post kung ano ang dahilan ng pagbagsak ng puno ng akasya, na maituturing na isa sa mga matitibay na puno.
Nag-iwan naman ito ng iba't ibang reaksiyon, komento, at saloobin mula sa mga netizen, na mababasa sa comment section ng post.
Sabi ng isa, "may ibig sabihin si god nyan kya nadelay ung mga lakad nila that day !! .. lahat ng yayari may reason nasa atin na lng yan pano ntin titignan in a good way or bad way."
"Baka kaya dito palang binagsakan na NG akasya ang dalawang sasakyan dahil may ma's malalang aksidente sana ang ma ngyayari siguro sa daan kaya maaga palang inilayo na sila ni God sa aksidente na iyon," palagay naman ng isa.
Saad naman ng isa, "Baka may gustong ipabatid Ang may likha sa may Ari Ng sasakyan? Or pwedi ring sa pari?ano kaya Yun?"
"Ang aksedinte ay hindi natin alam bigla nalang sumusulpot," tingin naman ng isa.
Sa kabila ng pinsalang idinulot sa mga sasakyan, isang malaking ginhawa ang balitang walang naitalang nasugatan o nasawi sa insidente; isang paalala na higit sa anumang materyal na bagay, ang kaligtasan ng buhay ang pinakamahalaga.