Ibinahagi ni Marjorie Barretto ang masalimuot ngunit makahulugang karanasan niya bago pumanaw ang kaniyang inang si Inday Barretto, na pumanaw noong Enero 29.
Sa isang Facebook post nitong Sabado, Enero 31, kinumpirma ni Marjorie na mapayapang pumanaw ang kanilang ina, at inabot daw siya ng ilang araw bago makapagbahagi ng pahayag dahil kinakailangan muna niyang iproseso ang bigat ng emosyon, kasabay ng pag-aasikaso sa mga detalye ng burol.
Kaugnay na Balita: Inday Barretto, pumanaw na
Lalong naging mabigat ang sitwasyon dahil apat na buwan pa lamang ang nakalilipas mula nang pumanaw ang kanilang kuyang si Mito.
Isinalaysay ni Marjorie ang isang tahimik na hapon sa ospital ilang araw bago pumanaw ang ina, kung saan nagkaroon sila ng ilang oras na silang dalawa lamang.
Bagama’t mahina na ang katawan ng kaniyang ina, malinaw pa rin umano ang isipan nito at pilit na nakikipagkuwentuhan. Ani Marjorie, hindi niya inaasahang mapapatawa niya nang husto ang kaniyang ina sa simpleng mga kuwento, isang sandaling inilarawan niyang priceless.
"In every trial that comes my way, I have always felt God’s guidance, protection, and grace. I felt His grace most during a quiet afternoon a few days ago at the hospital, when I had my mom all to myself for a couple of hours. Just the two of us. Mom trying her best to be her usual chatty self, speaking more slowly, yet with a mind still clear and sharp. Without me even trying to be funny, she laughed so hard at my stories. That time was priceless," aniya.
Higit pa rito, ibinahagi rin niya ang pinakamatinding biyaya para sa kaniya; ang mismong umaga ng pagpanaw ng kanilang ina, kung saan naroon siya sa silid kasama lamang ang kaniyang mga kapatid na sina Michie at Marichi. Inilarawan niya ang sandali bilang payapa at tahimik, isang tagpong pinaniniwalaan niyang inihanda ng Diyos.
"But the greatest grace was 2 days after in the morning she passed away. I was in her room with only my sister Michie and Marichi. It was peaceful and quiet. A moment I truly believe God orchestrated and one I will hold close to my heart always," aniya.
Tila nagkaroon naman ng "closure" si Marjorie sa lahat ng mga pinagdaanan nila ng Mommy Inday niya, dahil hanggang sa huling hininga ng ina, ay nasa tabi siya nito.
"They say we don’t always get closure in life. Knowing God was calling my mom home, I believe He gave me something even greater, the chance to be with her at her bedside, a grace that allowed me to heal," aniya.
Matatandaang kamakailan lamang ay naging usap-usapan ang naging Facebook post ni Marjorie laban sa kaniyang ina, kaugnay ng naging panayam kay Ogie Diaz, nang magdetalye ang ginang patungkol sa relasyon niya sa mga anak niya.
Kaugnay na Balita: 'False, unfair, destructive!' Marjorie tinabla, binarda sariling ina sa interview tungkol sa kaniya
Kaugnay na Balita: 'The Mission: Destroy Marjorie, make the youngest child look good and clean!' banat ni Marjorie sa inang si Inday
Sa pagtatapos ng kaniyang mensahe, humiling si Marjorie ng panalangin para sa kanilang ina, na inilarawan niyang maganda, palaban, matatag, masayahin, at mapagmahal, at ngayo’y kapiling na umano ng kanilang amang si Miguel Barretto at ng kaniyang nakatatandang kapatid.
"Please keep our beautiful, feisty, strong, funny, and loving Mom in your prayers. She is now with Dad and my brother Mito," aniya.