Bukod sa pagiging Buwan ng mga Puso, kinikilala sa bansa ang Pebrero bilang National Arts Month o Pambansang Buwan ng mga Sining.
MAKI-BALITA: 'Ani ng Sining: Katotohanan at Giting,' tema ng National Arts Month 2026
Alinsunod sa Proclamation No. 683 na nilagdaan ni dating pangulong Cory Aquino, layon ng komemorasyon na ito palawigin ang kultural na pamana at malikhaing gawa ng mga Pinoy, mapa-teatro man ito, sayaw, tugtugin, literatura, at sining biswal.
Gayunpaman, may ilang mga obra sa kasaysayan na umani ng kontrobersiya.
Narito ang ilan sa mga nasabing obra na tinuturing na kontrobersiyal ng marami:
Poleteismo (Mideo Cruz)
Ayon sa Encyclopedia of Philippine Art ng Cultural Center of the Philippines (CCP), ang Poleteismo ay parte ng “Kulo” exhibition noong 2011, na proyektong pinangunahan ng University of Santo Tomas (UST), bilang komemorasyon sa kanilang ika-400 anibersaryo at ika-150 kaarawan ni Dr. Jose Rizal.
Ang obrang ito ni Cruz ay tinuturing na kontrobersyal dahil sa mga relihiyosong imahe na itinabi sa mga sikat na social at politikal na imahe.
Makikita rito na magkakahalo sa isang three-wall assemblage ang iba’t ibang signage at posters ng mga personalidad tulad nina dating US Pres. Barack Obama; Filipino action star, Fernando Poe Jr.; at dating Manila mayor Lito Atienza; sa ilang kinokonsiderang religious deities at mga santo tulad nina Hesus Nazareno at Inang Maria.
Nasa nasabing assemblage ang ilan pang kagamitan at simbolo tulad ng care plates, condom, rosaryo, at krus.
Ang Poleteismo ay nagsiklab ng mga debate sa media.
Ang mismong exhibit ay matatandaang naipasara rin ni dating pangulong Noynoy Aquino at binitawan ang mga katagang “there is no freedom that is absolute. There are limits set as to what you’re allowed to do,” bilang babala sa CCP board.
Gayunpaman, naiulat noong 2013 na na-dismiss ng Ombudsman ang Poleteismo sa paratang na malaswang eksibisyon.
Photo courtesy: Mideo Cruz via CCP Encyclopedia of Philippine Art (website)
Salubong (Dante Hipolito)
Ang obrang ito ay tinaguriang kontrobersyal sa ilang grupo ng mga progresibong pintor at manlilikha matapos ipakita rito ang pagsalubong ng ilang politiko at mga artista sa dating santo papa na si Pope Francis.
Anila, ang obrang ito ay satirikal, o kakatwa.
Mas naging kontrobersyal pa ito nang tanggihan ito ni Pope Francis at ipinahayag na mas maganda ang magiging mensahe ng obra kung imbes na mga sikat na personalidad, ipinakita na lamang na mga ordinaryong Pinoy ang ipininta na sumalubong sa santo papa.
Photo courtesy: ARTlead LIST: DANTE Hipolito (FB)
The Conjugal Dictatorship of Ferdinand and Imelda Marcos (Primitivo Mijares)
Base sa lathala ng Intellectual Property Office of the Philippines (IPOPHL), isa ang “The Conjugal Dictatorship of Ferdinand and Imelda Marcos” ni Mijares ay isa sa mga kontrobersyal na publikasyon dahil sa mga impormasyon na nakasulat rito hinggil sa administrasyong Marcos Sr.
Ang nasabing aklat ay nalimbag sa US noong 1976.
Bilang kilalang “Marcos propagandist,” si Mijares ay naiulat na nawala matapos ang nasabing publikasyon, ang mga kopya ng aklat niya ay umano’y nawala rin sa US bookstores, at ipinagbawal ito sa Pilipinas.
Photo courtesy: Martial Law Library Museum (wesbite)
Manila by Night (Ishmael Bernal)
Isa pa sa mga obra na ipinagbawal ang paglabas noong kasagsagan ng martial law ay ang pelikulang “Manila by Night,” kung saan ipinakita ang buhay sa Maynila, na taliwas sa kagandahang madalas ipakita sa tipikal na mga programa sa telebisyon at media.
Bagama’t hindi ito tuluyang censored, ang umano’y pressure sa pamahalaan, ang pelikula ay umano’y lubos na na-edit at naging limitado ang distribusyon.
Bukod pa rito, ipinagbawal itong makapasok sa 1981 Berlin Film Festival.
Photo courtesy: IMDb (website)
Sean Antonio/BALITA