Tara Baguio?
Bukod sa malamig na klima, strawberries, at mga nakatatakam na lutuin tulad ng pinikpikan, pinuneg, at etag, isa pa ang Panagbenga Festival sa mga dahilan kaya maraming mga lokal at dayuhang turista ang bumibista sa Baguio, na kinikilala rin bilang “Summer Capital” ng Pilipinas.
Mula sa salitang Kankanaey, ang salitang “Panagbenga” ay nangangahulugang “season of blooming,” kung saan, iba’t ibang klase ng mga bulaklak ang ipinaparada sa mga kalsada tulad ng anthurium, chrysanthemum, astrobelia, orchids, mums, roses, at ang tatak-Baguio na everlasting.
Ang Panagbenga ay isang selebrasyon na ipinagdiriwang tuwing Pebrero, at bukod sa mga mahahalimuyak na mga bulaklak, makikita rin dito ang mga detalyadong costume ng street performers, at maririnig ang maalindayog na mga tugtugin sa buong lungsod.
Bukod sa pagiging selebrasyon, ang Panagbenga ay sinimulang iplano noong 1995 bilang paraan upang maghilom ang lungsod ng Baguio at mga residente nito mula sa trahedya ng 1990 earthquake.
Ang ideya ng noo’y tinatawag na “Flower Festival” ay iprinesenta ni Atty. Damaso E. Bangaoet Jr. sa John Hay Poro Point Development Corporation (JPDC), na noo’y may pamamahal sa Camp John Hay.
Sa agarang pag-apruba at suporta ng Base Conversion Development Authority, napili nila ang Pebrero bilang buwan ng selebrasyon taon-taon.
Taong 1996, idinaos ang kauna-unahang Flower Festival, kung saan tinagurian itong, “The Birth of a Tradition.”
Bagama’t bagong pagdiriwang pa lamang, mainit ang naging pagsuporta rito ng mga kinatawan at awtoridad, mula sa alkalde hanggang city council.
Kaya sa loob ng siyam na araw, umingay ang mga kalsada sa Baguio mula sa mga parada ng mga bulaklak, street dancing, garden at cultural shows, at mga inisyatibang pagpapaganda ng komunidad.
Taong 1997, ang Flower Festival ay tinawag nang “Panagbenga,” na mula sa suhestiyon ng archivist at curator ng Saint Louis University Museum na si Ike Picpican.
Dito rin ay lumabas ang mga bagong tradisyon tulad ng “Let a Thousand Flowers Bloom,” na isang art exhibit na binibigyang oportunidad ang mga manlilikha sa Baguio at mga residente nito na magpinta ng kanilang floral-themed art.
Isa pa ay “Session Road in Bloom,” kung saan isinasara sa mga sasakyan ang Session Road ng Baguio para sa flower carts, outdoor cafes, at iba’t ibang pagtatanghal.
Taong 1998, mas nagyabong pa ang Panagbenga.
Ang Burnham Park ang naging entablado para sa fluvial procession at boating competitions.
Nakabilang na rin dito ang pag-usbong ng food festival na pinangunahan ng Baguio Association of Restaurants.
Magmula nito, ang Panagbenga ay naging simbolo ng pag-usbong at mga tradisyon na hinubog ng mga pangyayari sa kasaysayan at kultura, at pagkakaisa ng mga residente.
Sean Antonio/BALITA