Umalis na ng bansa ang Filipino-American activist na si Chantal Anicoche matapos ipatupad ng Bureau of Immigration (BI) ang isang “order to leave,” ayon sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sa isang pahayag, sinabi ng NTF-ELCAC na ang pag-alis ni Anicoche ay nagmarka ng pagtatapos ng paghawak ng pamahalaan ng Pilipinas sa kaniyang kaso.
“Her departure from the Philippines reflects the collective determination by concerned agencies that her continued presence in the country was no longer necessary under immigration and security considerations,” ayon kay NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto Torres Jr.
Matatandaang iniulat na nawawala si Anicoche sa Occidental Mindoro noong Araw ng Bagong Taon matapos umano siyang masangkot sa gitna ng engkuwentro sa pagitan ng mga tropa ng pamahalaan at ng New People’s Army (NPA).
Nilinaw ng NTF-ELCAC na ang “order to leave” na inilabas ng BI ay hindi umano “arbitrary” o isang political act, kundi isang “lawful process” na nakabatay sa sariling mga isiniwalat ni Anicoche hinggil sa kanyang mga aktibidad.
Ayon sa task force, inamin umano ni Anicoche na nagtungo siya sa Pilipinas upang makipag-ugnayan sa NPA, nanatili sa isang rebel camp, at nasangkot sa mga international organization na bahagi ng international political and support network ng Communist Party of the Philippines.
“Taken together, these circumstances are clear security and immigration concerns that warranted decisive administrative action,” dagdag ni Torres.
Matapos ang pag-alis ni Anicoche, sinabi ng NTF-ELCAC na ang anumang karagdagang pakikipag-ugnayan sa kaniya ay nasa kaniyang home country at pamilya na.
“The Philippine government has fully discharged its obligation to handle the matter lawfully, transparently, and humanely,” ayon pa kay Torres.
Dagdag ng task force, ipinapakita ng karanasan ni Anicoche kung paanong ang mga kabataan ay maaaring mahikayat na pumasok sa mga conflict zone na naglalagay sa kanilang buhay sa panganib sa ngalan ng “advocacy, immersion, or international solidarity.”
Nanawagan din ang NTF-ELCAC sa mga organisasyong nag-recruit kay Anicoche na iwasan ang pagpapakalat ng kanyang pangalan at mga larawan nang walang pahintulot ng kanyang pamilya.
“We caution against attempts to distort this outcome into claims of vindication or wrongdoing by our government,” ani Torres.
Dagdag pa niya, “Such narratives obscure the real dangers of armed conflict and ignore the experiences of families who have lost loved ones after similar paths of radicalization.”
Ayon kay Torres, paiigtingin pa ng task force ang mga hakbang upang maprotektahan ang mga komunidad at mailayo ang mga kabataang nasa panganib mula sa mga armadong grupo.