January 30, 2026

Home SHOWBIZ

Mariel Padilla, hindi naniniwalang politiko si Sen. Robin, bakit?

Mariel Padilla, hindi naniniwalang politiko si Sen. Robin, bakit?
Photo courtesy: Mariel Rodriguez Padilla/FB, Robin Padilla/FB


Tahasang ipinahayag ng TV host na si Mariel Rodriguez na hindi raw siya kumbinsidong matatawag na politiko ang kaniyang mister na si Sen. Robin Padilla.

Sa pakikipanayam ni Mariel sa YouTube channel na Julius Babao UNPLUGGED kamakailan, pinanindigan niyang ‘yon daw talaga ang kaniyang paniniwala, kahit pa si Sen. Robin ay ang kaniyang asawa.

“I still believe that [Senator] Robin is not a politician. I feel that the title for Robin is a public servant,” saad ni Mariel.

Giit niya, “‘Yon ‘yong, para sa akin ha, sasabihin n’yo siyempre asawa ka ayan ang [tingin] mo, o ‘di sige, basta ganoon ang paniniwala ko.”

“Ganoon ko nakikita kasi wala kaming bagong kotse simula noong si Robin ay nanalo, wala kaming bagong bahay, wala kaming bagong kung ano man na katas ng pagiging senador ni Robin,” dagdag pa niya.

Natanong din siya kaugnay sa usapin ng muling pagtakbo ng mambabatas para sa Halalan 2028.

“I don’t know if…okay…that’s a really good question, because Robin doesn’t—Robin does not. Ayaw niya na. He is always saying that because nababagalan siya sa mga bagay-bagay ganoon,” pagbunyag niya.

Aniya, “There are days that I tell him ‘hindi na, huwag na talaga—huwag na, hindi na.’ And [there were] also days that people come up to me…[napapaisip] ako always na parang ‘sandali, kaya lang may nagagawa siya e.’ Alam mo ‘yon? Napapagano’n ako.”

Ani Mariel, tila nararamdaman niya raw na hindi “deserve” ng mga tao ang kaniyang mister.

“May days ako na ‘last na talaga ‘to, tatapusin na lang natin ‘to, hindi na natin ‘to [ipagpapatuloy]...’ Or like sometimes I feel na lalo na when they take out of context what he says, or they say stuff about him…parang I feel na they don’t deserve him. May mga ganoon ako,” anang TV host.

“And then again, there were those days when I see the indigenous people (IP), when I see the Muslims—how they are so grateful to him, that they are feeling seen now,” dagdag pa niya.

Kaugnay nito, matatandaang isiniwalat mismo ni Sen. Robin na siya ay hindi na muling tatakbo sa darating na eleksyon para sa taong 2028.

“Maraming salamat po. Pero wag niyo na po ako isama sa line up at hindi na po ako matakbo sa 2028. Mabuhay po,” saad ng senador.

MAKI-BALITA: Sen. Robin, 'di na trip tumakbo sa Halalan 2028-Balita

Gayumpaman, tila isa pa rin si Sen. Robin sa mga pinagkakatiwalaang politko ng mga Pilipino, ayon sa isinagawang pre-presidential election survey ng WR Numero kamakailan.

Ito ay matapos makakuha ng 3.3% si Sen. Robin mula sa naturang survey.

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, nanguna sa 2028 presidential pre-elections survey—WR Numero-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA