Agaran ang naging pagresponde ng mga awtoridad sa isang babaeng buntis kamakailan matapos itong mapaanak sa gilid ng kalye sa Taguig City.
Base sa ulat ng Taguig City Police Station, mga bandang 11:15 ng gabi noong Biyernes, Enero 23, nang respondehan ng mga personnel ng Taguig City Police Station – Sub-Station 12 (Bagumbayan–Lower Bicutan) ang isang 38-anyos na residente matapos siyang abutan ng panganganak sa Baymart Plaza, sa kahabaan ng Gen. Santos Avenue, sa kanto ng MLQ Street, Brgy. Lower Bicutan, Taguig City.
Ayon pa sa nasabing ulat, papunta dapat ang babae sa Taguig–Pateros District Hospital para doon manganak.
Sa kabila ng lokasyon, matagumpay namang naipanganak ng babae ang kaniyang sanggol na babae, sa tulong nina Pat. Alashraf Khusin at Pat. Royden Alcaraz, na mga naka-duty sa lugar noong mga oras na ito.
Matapos ang panganganak, agad nilang dinala ang mag-ina sa isang Lying-In Clinic para mabigyan ang mga ito ng karampatang medikal na atensyon at wastong pangangalaga.
Sean Antonio/BALITA