Iniulat ni Department of Energy (DOE) Sec. Sharon Garin sa Kamara noong Lunes, Marso 9, na sisipa sa ₱17 hanggang ₱24 ang pagtataas ng presyong petrolyo kada litro simula ngayong linggo.
Aniya, ang pagtataas na ito ay inaasahang maging epektibo simula Martes, Marso 10, hanggang sa susunod na Lunes, Marso 16.
Saad pa ng kalihim, ang pagtataas na ito ay ang maituturing na umano’y pinakamataas na pagtalon ng presyo sa kasaysayan ng bansa, na dulot ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Middle East.
MAKI-BALITA: DOE Sec. Garin, inilahad ₱17-₱24 na pagsipa ng petrolyo ngayong linggo!
Dahil dito, naglabas ng guidelines sa “anti-hoarding” at “fuel dispensing” ang DOE upang matiyak ang sapat at patas na distribusyon ng petrolyo.
Narito ang nilalaman ng nasabing anti-hoarding at fuel dispensing guideline ng DOE:
Paggamit ng drums o containers
Binanggit ng ahensya na pinapayagan nila ang drums at containers sa pagbili ng petrolyo para sa lehitimong operasyon tulad ng:
- Fishing vessels at sea transport
- Generator sets (mga ospital, gobyerno, at telcos.
- Makinaryang pang-agrikultura
Ipinaalala rin ng DOE na ang fleet cards o mga regular na mamimili ay pinapayagan din basta tugma sa kanilang historical consumption pattern.
Paglimita ng pagbebenta ng petrolyo
Pinahihintulutan din ng DOE ang pagpapatupad ng “reasonable purchase limits” sa bawat sasakyan upang matiyak ang sapat na suplay para sa lahat at maiwasan ang panic buying.
Paggamit ng Jerry Cans
Isa pa sa pinahihintulutan ng ahensya ay ang paggamit ng Jerry Cans basta’t ito ay ligtas at tugma ang dami ng binibili sa tunay na pangangailangan ng operasyon.
Dapat gawin kung may hinala ng hoarding
Payo ng DOE, dapat i-verify ng retailer ang gamit ng gasolina at ilimita ang benta ng petrolyo sa sapat na dami lamang.
Mahalaga rin daw na pagdo-dokumento ng bawat transaksyon at ang pakikipag-ugnayan sa DOE-OIMB (Oil Industry Management Bureau).
Mga nakatakdang mag-determina ng labis na pagbili
Saad ng ahensya na ang retailers at suppliers ng petrolyo ang mga nakatakdang magsusuri base sa historical records at uri ng negosyo ng mamimili.
Anila pa, maaari ding magsagawa ng monitoring at kaukulang aksyon ang DOE-OIMB.
Sa kabila ng guidelines na ito, ipinapaalala ng DOE sa publiko ang pagiging responsable sa pagkonsumo ng petrolyo upang matiyak na tuloy-tuloy na serbisyo ng petrolyo sa bawat mamamayan.