April 13, 2026

Home FEATURES Trending

ALAMIN: Updated schedule ng mga ahensyang saklaw ng ‘4-day work week’

ALAMIN: Updated schedule ng mga ahensyang saklaw ng ‘4-day work week’
Photo courtesy: Pexels, MB

Opisyal nang umarangkada nitong Lunes, Marso 9, ang pagpapatupad ng pansamantalang four-day workweek setup sa mga piling opisina sa pamahalaan. 

Bunsod ito ng mga panawagang pagtitipid sa paggamit ng enerhiya, petrolyo, at kuryente dala ng patuloy na pagtaas na tensyon sa Middle East. 

MAKI-BALITA: 4-day workweek, pansamantalang ipatutupad sa ilang executive offices ng pamahalaan

Base sa Memorandum Circular (MC) No. 114, s. 2026 ng Malacañang, sa ilalim ng four-day workweek, ang mga ahensya sa pamahalaan ay inaabisuhang bawasan ang kanilang fuel consumption ng 10 hanggang 20%.

Sa setup ding ito, bagama’t apat na araw ang onsite work ng mga ahensya, ang serbisyo sa publiko ay nananatiling  24/7 operational. 

Trending

Mag-asawa, napagkakamalang kambal dahil sobrang magkamukha!

Bawat ahensya rin ay inaasahang magtaguyod ng kanilang internal guidelines upang mapanatili ang attendance monitoring at performance standards batay sa regulasyon ng Civil Service Commission (CSC). 

Dahil dito, narito ang listahan ng mga opisinang sumusunod sa four-day workweek setup at ang kanilang updated schedule: 

Department of Education (DepEd) 

Base sa direktiba, ang DepEd ay magkakaroon ng onsite work tuwing Lunes hanggang Huwebes, habang ang araw ng Biyernes ay nakalaan sa work-from-home para sa non-teaching at related teaching personnel, kabilang ang contract-of services at job-order na mga empleyado. 

Ang teaching personnel naman ay inaasahang magpapatuloy sa kanilang nakagawiang class schedule upang matiyak ang tuloy-tuloy na mga klase at iba pang school activities. 

KAUGNAY NA BALITA: Mga klase sa public school, hindi kasama sa 4-day workweek – DepEd

Metropolitan Manila Development Authority (MMDA)

Base sa anunsyo ng MMDA, ang kanilang tanggapan ay bukas tuwing Lunes hanggang Huwebes, mula 7 AM hanggang 6 PM. 

Habang ang kanilang non-working days ay nakalaan sa mga araw ng Biyernes, Sabado, at Linggo. 

Government Service Insurance System (GSIS)

Inanunsyo ng GSIS na bukas ang kanilang tanggapan ng onsite mula Lunes hanggang Huwebes, habang ang araw naman ng Biyernes ay nakalaan sa work-from-home setup.

Anila pa, ang mga personnel nilang nakaistasyon sa frontline services, kabilang ang Lobby at Pensioners Lounge ay naatasang sumunod sa adjusted work shifts upang mapanatili itong bukas sa publiko mula Lunes hangggang Biyernes. 

Department of Trade and Industry (DTI) 

Base sa mga ulat sa media, ang DTI ay mag-iimplementa ng flexible work setup sa kanilang tanggapan bilang tugon sa direktiba, kung saan, lahat ng kanilang transaksyon ay isasagawa online tuwing Biyernes simula Marso 13. 

Tuwing Biyernes din, inaasahan na pagaganahin ang elevator at air conditioning  systems sa DTI-Filinvest Building at DTI Main Building sa Makati sa mas “reduced capacity rate” nito. 

Habang ang kanilang shuttle operations ay magkakaroon ng rotating shifts at piling ruta na dadaanan araw-araw. 

Social Security System (SSS)

 Ayon sa anunsyo ng SSS, ang kanilang tanggapan sa Main Office ay onsite mula Martes hanggang Biyernes, habang ang work-from-home arrangement ay tuwing Lunes. 

Sa kanilang Makati Office, ang onsite schedule ay mula Lunes hanggang Huwebes, habang ang work-from-home arrangement ay tuwing Biyernes. 

Sa kanilang branches, ang member services ay nananatiling bukas mula Lunes hanggang Biyernes sa pamamagitan ng shifting work schedules. 

Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD)
 Ayon sa anunsyo ng DHSUD, ang kanilang regular operations ay mula Lunes hanggang Huwebes, 7:00 AM hanggang 6:00 PM. 

Habang tuwing Biyernes naman, ay skeletal workforce para sa mga piling opisina simula 8:00 AM hanggang 5:00 PM. 

Department of Tourism (DOT) 

Base sa ilang mga ulat ng media, ilan sa mga opisina ng DOT ang mag-iimplementa ng 4-day workweek setup. 

Ang mga ito ay ang DOT-Region XI at DOT-Central Visayas kung saan ang kanilang working days ay mula Lunes hanggang Huwebes, mula 7:00 AM hanggang 7:00 PM. 

Ang DOT-Calabarzon na may working days mula Lunes hanggang Huwebes ay operational mula 8:00 AM hanggang 7:00 PM. 

Ayon pa sa Malacañang, hindi kasama sa four-day workweek ang mga ahensyang naghahatid ng frontline at health services, public safety, at emergency response tulad ng kapulisan at mga bumbero. 

Sean Antonio/BALITA