April 13, 2026

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Si Daisy Veraces, ang mother na construction worker

#BalitaExclusives: Si Daisy Veraces, ang mother na construction worker
Photo courtesy: Screenshot from Noriel Veraces (FB/TikTok)

Nabagbag ang damdamin ng mga netizen sa TikTok video ng isang civil engineering student matapos niyang magbigay-tribute sa nanay niyang construction worker para sa pagdiriwang ng National Women's Month.

Ang nabanggit na TikTok video ni Noriel Veraces ay may 2.9M views na at inaasahan pang lolobo ito matapos maitampok ang tungkol sa kaniyang viral post.

Sa TikTok video ni Noriel noong Marso 3, sinabi niyang flinex niya ang inang si Daisy Veraces, para sa pagdiriwang ng Women's Month.

"Sana kakayanin pa natin ma! Ps. Dahil sa Women’s month ngayon kaya pinost ko ito, sobrang proud lang ako sa mama ko!" mababasa sa caption ng post niya.

Proud na proud si Noriel sa kaniyang mama, dahil kahit ang trabahong itinuturing na panlalaki ay kaya nitong pasukin para lamang sa pag-aaral nilang magkakapatid.

Human-Interest

ALAMIN: Mga kadalasang dahilan ng aksidente sa daan at tips para sa kaligtasan sa pagbiyahe

Kaya pangako ni Noriel, kapag nakatapos na siya ng pag-aaral, babawi siya sa kaniyang ina sa pamamagitan ng pagtulong dito sa mga gastusin sa bahay, gayundin sa pagpapaaral sa mga nakababata pang kapatid.

Ipinakita rin ni Noriel ang screenshot ng mga gastusin niya sa pag-aaral.

Marami naman sa mga netizen ang nagkomentong nais nilang tulungan si Noriel sa pag-aaral; gayundin, may mga nag-alok naman ng trabaho kay Daisy para hindi na siya mag-construction worker.

Sa hiwalay na TikTok video, nagpasalamat naman si Noriel sa mga nagpaabot ng kanilang paghanga at pagsaludo kay Daisy, gayundin sa mga nagpaabot ng tulong.

"Maraming salamat daw po sa lahat ng naka-appreciate sa Mama ko, at lalong lalo na po sa mga nag abot ng tulong, maraming maraming salamat daw po!" aniya.

Maki-Balita: 'Sobrang proud lang ako sa mama ko!' Civil engineering student, nagpugay sa nanay niyang construction worker

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Noriel, sinabi niyang anim na taon na raw siya sa pag-aaral sa La Concepcion College sa City of San Jose Del Monte, Bulacan, dahil kinailangan niyang huminto para magtrabaho bilang car wash boy.

"Six years na po ako sa degree ko rito sa La Concepcion College dahil tumigil po ako noong nag-working student ako sa Quezon city as car wash boy," paliwanag ni Noriel.

"Di ko po kayang ipagsabay at naibagsak ko 'yong ibang mga subject."

Napag-alamang pito silang magkakapatid, at talagang iginagapang sila ni Daisy, dahil ang papa naman niya ay may high blood at acute gastritis.

Iyon daw ang dahilan kung bakit nagtatrabaho bilang construction worker si Daisy; para alalayan sa trabaho ang kaniyang mister, na isa ring construction worker.

"May sari-sari store po si Mama sa province kaso hindi po sapat ang kita para sa tuition kaya pati puhunan po naubos," aniya.

"Kailangan niya rin po kasing samahan si Papa sa trabaho dahil may sakit na rin si Papa, high blood at may acute gastritis."

Kayang-kaya raw makipagsabayan ng kaniyang ina sa mga gawaing panlalaking ginagawa sa construction.

Kaya naman, balak daw ni Noriel na magtrabaho agad kapag naka-graduate na siya.

"Gusto ko pong magtrabaho kaagad kasi may dalawa pa akong kapatid na mag-aaral, para ako na magpapaaral sa kanila para hindi na sila Mama mahihirapan," saad ni Noriel.

Kaya mensahe niya sa kaniyang Mama Daisy, "Ma, alam ko pong napakarami ninyong sinakripisyo para sa akin. Hindi ko man agad masuklian ngayon, pangako ko po na magsisikap ako at tatapusin ko ang pag-aaral ko para maibigay ko rin sa inyo ang magandang buhay na deserve ninyo."

Congratulations, Noriel at saludo sa inyo, Nanay Daisy!