Sa pagdiriwang ng "International Women’s Day" at "National Women’s Month," muling nabibigyang-diin ang kahalagahan ng kababaihang patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa kanilang komunidad.
Isa sa mga huwarang babaeng Pilipinong nagpapatunay na kayang pagsabay-sabayin ang maraming responsibilidad sa buhay ay si Dr. Winnaflor G. Gaspar—isang guro, ina, manunulat, artista sa teatro, negosyante, at lider-organisador.
Sa edad na 38, si Gaspar ay nagsisilbing Master Teacher I sa Ramon Magsaysay Cubao High School kung saan patuloy niyang hinuhubog ang mga kabataan sa larangan ng wika at sining.
Kinilala rin siya bilang "Ulirang Guro sa Filipino" ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong 2017, patunay ng kaniyang natatanging ambag sa pagpapalaganap at pagpapahalaga sa wikang pambansa.
Kaugnay na Balita: #BalitaExclusives: 'Hindi lang pang-Agosto ang pagdiriwang sa wika!'—KWF Ulirang Guro sa Filipino 2017
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Dr. Gaspar, sinabi niyang higit pa sa kaniyang mga titulo at parangal, isa sa pinakamahalagang papel na ginagampanan ni Gaspar ay ang pagiging isang ina.
LAKAS NG ISANG SOLONG MAGULANG, BILANG ISANG INA
Bilang isang single mother, hindi lingid kay Gaspar ang mga pagsubok ng pagpapalaki ng anak nang mag-isa. Gayunman, hindi niya ito ikinahihiya—sa halip, ipinagmamalaki niya ang kaniyang kakayahang harapin ang buhay para sa kinabukasan ng kaniyang anak.
“May mga relasyong hindi talaga nagwo-work at mas pipiliin mong magpatuloy para sa iyong anak,” ani Gaspar.
Dalawang taong gulang pa lamang ang kaniyang anak kaya’t marami pa siyang haharapin bilang magulang. Ngunit kahit pa may mga gabing walang tulog, mga pagkakataong kapos sa budget, at mga hamong kailangang lagpasan, hindi siya kailanman sumuko.
Para kay Gaspar, ang pagiging magulang ay hindi lamang emosyonal na responsibilidad kundi pati praktikal na tungkulin. Sa kanilang tahanan, siya rin ang gumagawa ng mga gawaing kadalasang inaasahang ginagawa ng ama—mula sa pagkukumpuni ng sirang gripo hanggang sa pagpapalit ng door knob.
Sa kanIyang sariling salita, tinanggap na niya ang katotohanang siya ang tumatayong "tatay at nanay" sa kanilang pamilya.
BILANG INA SA SILID-ARALAN: PAGIGING GURO
Bilang guro, hindi lamang pagtuturo ng asignaturang Filipino ang kaniyang tungkulin. Nagtuturo rin siya ng Theater Arts sa dalawang grade level, habang pinamumunuan ang Special Program in the Arts bilang program head.
Bukod pa rito, siya rin ang Master Teacher in-charge sa mga guro ng Filipino sa Grade 9 at Senior High School, kung saan ginagabayan niya hindi lamang ang mga mag-aaral kundi maging ang kaniyang mga kapwa guro.
Para kay Gaspar, ang edukasyon ay hindi dapat limitado sa loob ng silid-aralan.
Ang kaniyang passion sa theater arts ay nagsisilbing paraan upang maipahayag ng kabataan ang kanilang mga saloobin at pananaw sa mga isyung kinahaharap ng kanilang henerasyon. Sa pamamagitan ng mga dula at pagtatanghal, nabibigyang-diin ang mga temang tulad ng bullying, depresyon, at iba pang suliraning panlipunan.
Kadalasan ay naglalaan pa sila ng oras para sa rehearsals kahit lampas na sa opisyal na oras sa paaralan—at kadalasan ay walang kapalit na bayad.
Ngunit para kay Gaspar, sapat na ang makitang nahuhubog ang talento at kamalayan ng kaniyang mga mag-aaral.
LIDER-ORGANISADOR NG ISANG SAMAHANG PAMPROPESYUNAL
Noong 2019, napansin ni Gaspar na maraming guro ang hindi nabibigyan ng pagkakataong makadalo sa mga seminar o maipakita ang kanilang kahusayan. Dahil dito, naisip niyang bumuo ng isang organisasyong magbibigay ng ganitong pagkakataon.
Mula sa simpleng ideya, isinilang ang "Pambansang Samahan ng mga Propesyonal at Mananaliksik sa Pilipinas Inc. (PSPPI)."
Sa kasalukuyan, ang PSPPI ay kinikilala bilang isa sa mga pinakamabilis lumagong organisasyon sa bansa, na nag-oorganisa ng mga seminar, kumperensya, at parangal para sa mga propesyonal sa iba’t ibang larang.
Mahigit 2,500 miyembro na mula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ang kabilang sa organisasyon. Libo-libong guro na rin ang nakadalo sa kanilang mga seminar, habang daan-daang indibidwal ang nabigyan ng pagkilala.
Isa sa mga ipinagmamalaki ni Gaspar ay ang pagbibigay ng libreng palihan o workshop para sa mga guro sa National Capital Region (NCR) sa iba’t ibang asignatura.
Para sa kaniya, personal ang misyong ito, dahil minsan na rin siyang naging gurong hindi nabibigyan ng pagkakataong makadalo sa mga seminar.
ADVOCATE SA MGA ISKOLAR AT KAPWA GURO
Hindi lamang sa mga guro nakatuon ang kaniyang adbokasiya. Sa pamamagitan ng PSPPI, nakapagbigay na rin sila ng uporta sa sampung iskolar na tumatanggap ng allowance at educational support.
Isa sa kanila ay malapit nang makapagtapos ng kolehiyo, isang tagumpay na nagbibigay inspirasyon kay Gaspar upang maipatayo balang araw ang PSPPI Foundation.
"Adbokasiya ko ang tumulong nang walang hinihinging kapalit. Dahil naniniwala akong hindi masaya kung mag-isa lang akong umaangat," paliwanag niya.
Bukod dito, pinamamahalaan din niya ang kaniyang publishing house kung saan tinutulungan niya ang mga manunulat na mailathala ang kanilang mga akda.
Bagama’t hindi madali ang pagpapatakbo nito at puno ng hamon ang paghahanap ng mga manunulat, nananatili siyang nakatuon sa layuning itaguyod ang panitikan at talento ng mga Pilipino.
DISIPLINA, PANANALIG, AT LAYUNIN
Marami ang nagtatanong kung paano niya nagagawang pagsabay-sabayin ang kaniyang mga tungkulin bilang ina, guro, lider-organisador, at negosyante.
Para kay Gaspar, may ilang bagay na mahalaga: pananalig sa Diyos, suporta ng mga taong nakapaligid sa kaniya, maayos na time management, at disiplina.
"Kailangan lang alam mo ang priority mo, at dapat focus ka, unahin ang dapat unahin, at huwag iisantabi ang mga bagay," aniya.
BABAE AT HINDI BABAE LANG
Sa kabila ng lahat ng kanyang responsibilidad at tagumpay, nananatiling simple ang pananaw ni Gaspar tungkol sa kaniyang sarili; isang babaeng patuloy na lumalaban para sa kaniyang pamilya at komunidad.
"Babae ako. Hindi babae lang. Kaya para sa tulad kong superwoman sa sarili nating mundo, huwag tayong mapapagod, huwag susuko. Magpahinga saglit at lalaban ulit," aniya.
Para sa kaniya, ang kababaihan ay simbolo ng tibay, husay, lakas, at buhay.
"Dahil ang babae ay representasyon ng tibay, husay, lakas at buhay. Babae tayo! At hindi tayo matitibag," dagdag pa niya.
At sa pagdiriwang ng Women’s Month, ang kaniyang kuwento ay nagsisilbing paalala na ang mga babae, sa kanilang sariling paraan at mundo, ay patuloy na lumilikha ng pagbabago.